Home TOP STORIES Mga nagkalat na kabaong, simbolo ng ‘pagkapuno’ ng mga Pilipino sa China...

Mga nagkalat na kabaong, simbolo ng ‘pagkapuno’ ng mga Pilipino sa China – Goitia

27
0

MANILA, Philippines — Maaaring nagsisilbing simbolo ng matagal nang pagtitimpi ng sambayanang Pilipino ang mga kabaong na natagpuan sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila, ayon kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia.

Hanggang ngayon ay wala pang malinaw na impormasyon kung sino ang nag-iwan ng mga kabaong at kung ano ang tunay na layunin ng mga ito.

Gayunman, kung ang mga ito ay bahagi ng isang protesta, sinabi ni Goitia na malinaw ang mensahe—“tama na” sa umano’y patuloy na panggigipit ng China sa Pilipinas sa West Philippine Sea.

“Matagal nang sinusubok ng Tsina ang pasensya ng sambayanang Pilipino,” ani Goitia, habang binanggit ang mga insidenteng kinasasangkutan umano ng mga mangingisdang Pilipino, Philippine Coast Guard at Hukbong Dagat sa West Philippine Sea.

Ayon sa kanya, sa kabila ng mga tensyon, patuloy na pinipili ng Pilipinas ang diplomasya, pagpipigil at paggalang sa pandaigdigang batas.

Ngunit iginiit ni Goitia na may hangganan ang pagtitiis ng isang bansa.

“Huwag ninyong ipagkamali ang ating pagpipigil sa pagsuko. Walang bansang may dangal ang magtitiis sa walang humpay na pang-aalipusta,” aniya.

Sinabi rin niya na hindi lamang isang insidente ang dahilan ng umano’y lumalalim na pagkadismaya ng publiko kundi ang sunod-sunod na tensyon sa West Philippine Sea at mga hamon sa soberanya ng Pilipinas.

Kung simbolo man ng protesta ang mga kabaong, maaari umano itong kumatawan sa pagtatapos ng matagal na pagtitimpi.

“Ipinahahayag nito ang matagal nang nais sabihin ng maraming Pilipino: tama na ang pangha-harass, tama na ang pananakot, tama na ang kawalang-galang,” pahayag ni Goitia.

Samantala, kinuwestiyon din niya ang paraan ng pag-uulat ng ilang media outlet kaugnay ng mga kabaong, na aniya’y maaaring may pagkiling sa China.

Iginiit ni Goitia na tungkulin ng media na ihatid nang buo at patas ang mga impormasyon upang magkaroon ng sapat na batayan ang publiko sa pagbuo ng sariling pananaw.

Nilinaw naman niya na hindi ordinaryong mamamayang Tsino ang kanyang tinutuligsa.

“Ang ating pagtutol ay hindi laban sa ordinaryong mamamayan ng Tsina. Ito ay laban sa mga patakaran at pagkilos na lumalabag sa soberanya ng Pilipinas at sa pandaigdigang batas,” aniya.

Nanawagan si Goitia na manatiling matatag ang Pilipinas habang ipinagpapatuloy ang diplomasya at pagtatanggol sa soberanya.

“Ang pasensya ay hindi pagsuko. Ang diplomasya ay hindi pagpapasakop,” ani Goitia.

Sa huli, sinabi niyang hindi digmaan ang hinahanap ng mga Pilipino kundi respeto sa soberanya, pagsunod sa pandaigdigang batas at pagkilala sa dignidad ng bansa.

Si Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY). Jay Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here