MANILA, Philippines – Nanawagan ang Inter-Agency Council for the Monitoring and Implementation of Republic Act No. 11106 na itigil ang paggamit sa Filipino Sign Language bilang simbolo ng kawalang-silbi sa mga komentaryong politikal at satirical memes.
Sa pahayag nitong Huwebes, nabahala ang konseho sa pagkalat ng memes na inilalarawan ang isang opisyal ng pamahalaan bilang FSL interpreter upang palabasing wala itong mahalagang tungkulin.
“Sa larangan ng karapatang pantao, karaniwang itinuturing ang pagtutol, pampublikong talakayan, at masining na paglikha bílang pinakamataas na anyo ng kalayaan sa pagpapahayag sapagkat, sa isang makabuluhan at mapanuring demokrasya, ginagamit ang kalayaang ito upang panagutin ang mga awtoridad at mahanap ang katotohanan,” ayon sa IAC.
“Bagama’t kinikilala ng IAC na mahalagang bahagi ng pampolitikang pagpapahayag ang satira at parodya, hindi dapat isagawa ang ganitong komentaryo sa paraang nakapipinsala sa dangal ng komunidad ng mga Binging Pilipino o kayâ ay nagpapatibay at nagpapanatili ng mga mapaminsalang maling paniniwala hinggil sa aksesibilidad at sa napakahalagang papel ng FSL,” dagdag nito.
Kinikilala ng Republic Act No. 11106 o Filipino Sign Language Act ang FSL bilang pambansang sign language ng Filipino Deaf community at opisyal na sign language ng pamahalaan.
Layunin ng batas na protektahan ang mga karapatan ng mga bingi at tiyakin ang kanilang makabuluhang pakikilahok sa lipunan sa pamamagitan ng accessibility at inclusion.
Ayon sa konseho, minamaliit ng paggamit sa FSL interpretation bilang simbolo ng “uselessness” ang propesyong nag-aalis ng communication barriers at nagtataguyod ng karapatang pantao.
Pinaalalahanan nito ang publiko, content creators, media workers at entertainment industry na maging sensitibo at responsable sa paggawa ng content, “Particularly in ensuring that humor does not reinforce prejudice, discrimination, or exclusion.”
Hinimok din ng IAC ang mga creator at media organization na kumonsulta sa deaf community at mga kwalipikadong FSL practitioner upang matiyak ang tama, magalang at culturally appropriate na representasyon.
Binubuo ang konseho ng mga kinatawan mula sa Commission on Human Rights, Council for the Welfare of Children, Philippine Commission on Women, Komisyon sa Wikang Filipino at mga FSL organization o institusyong kumakatawan sa deaf community. RNT