MANILA, Philippines – Kinumpirma ng China na dalawang Chinese sailors ang namatay sa isang maritime operation sa South China Sea noong Agosto 11, 2025, ang araw ding nagbanggaan ang isang Chinese navy vessel at China Coast Guard ship habang hinahabol ang isang Philippine patrol boat malapit sa Bajo de Masinloc.
Lumabas ang kumpirmasyon halos isang taon matapos ang insidente, na dati’y kinilala lamang ng Beijing bilang isang komprontasyon nang hindi binabanggit ang banggaan, mga nasugatan, o nasawi.
Sinabi ng People’s Armed Police Force nitong Miyerkules na kabilang sina Coast Guard sailors Yi Xinyu at Cheng Long sa apat na personnel na ginawaran ng espesyal na titulong “martyr” dahil sa “steadfast political convictions, exemplary deeds and outstanding achievements”.
Batay sa profiles sa government-run “China Martyrs Network,” kapwa namatay sina Yi at Cheng noong Agosto 11, 2025 habang nagsasagawa ng tinawag ng Beijing na “rights defense operation.”
“Yi sacrificed his life… while participating in a frontline rights defense operation in the South China Sea,” ayon sa website.
Si Cheng naman ay “heroically sacrificed his life during a maritime rights defense operation”, ayon din sa website.
Si Yi ay 21-anyos habang 25-anyos naman si Cheng nang sila ay mamatay. Hindi malinaw kung kailan sila opisyal na binigyan ng “martyr” designation, na nagbibigay sa kanilang mga pamilya ng ilang benepisyo kabilang ang tulong sa pabahay at serbisyong medikal.
Sa video footage na inilabas ng Manila noong nakaraang taon, makikitang nagbanggaan ang isang Chinese navy vessel at China Coast Guard ship habang kapwa hinahabol ang Philippine patrol boat malapit sa pinag-aagawang shoal.
Ilang beses nang nagkaroon ng tensyon at komprontasyon ang Pilipinas at China sa South China Sea, na halos kabuuan ay inaangkin ng Beijing. Muling nagkaroon ng engkuwentro ang Filipino at Chinese personnel noong Hulyo 2026, na naging unang seryosong insidente sa loob ng ilang buwan at nauwi sa pagpapatawag ng magkabilang panig sa kani-kanilang mga ambassador. RNT