MANILA, Philippines – Nilinaw ng Supreme Court na maaari lamang maglabas ng precautionary hold departure order (PHDO) kung ang kasong nasa preliminary investigation ay may minimum na parusang hindi bababa sa anim na taon at isang araw na pagkakakulong, o kung dayuhan ang respondent kahit ano pa ang nakatakdang parusa.
Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Maria Filomena D. Singh at inilabas nitong Biyernes, sinabi ng Supreme Court Third Division na hindi maaaring panatilihin ang PHDO kung hindi na natutugunan ang mga naturang kondisyon.
Nag-ugat ang kaso sa reklamong inihain laban kay Faustine Feliz Abad kaugnay ng pagbili ng airline tickets mula sa GHT Travel and Tours para sa mga kalahok ng Maharlika Pilipinas Basketball League sa Calgary, Canada.
Gumamit umano si Abad ng ilang tseke bilang bayad, kabilang ang dalawang postdated checks na kalauna’y tumalbog dahil sa insufficient funds.
Naghain si GHT owner Johanna Moulic ng reklamo laban kay Abad para sa estafa sa ilalim ng Revised Penal Code at paglabag sa Batas Pambansa Blg. 22 o Bouncing Checks Law.
Nakakita ang mga prosecutor ng probable cause para sa dalawang bilang ng paglabag sa BP 22 ngunit ibinasura ang estafa complaint dahil sa kakulangan ng ebidensya. Dahil dito, dalawang criminal information para sa BP 22 ang inihain sa Metropolitan Trial Court of Manila.
Humiling din ang prosecution ng PHDO sa Regional Trial Court dahil umano sa posibilidad na tumakas si Abad. Pinagbigyan ito ng RTC at kalauna’y tinanggihan ang kahilingan niyang alisin ang PHDO, kabilang sa mga dahilan ang apela ng GHT sa Secretary of Justice laban sa pagkakabasura ng estafa complaint at ang pagiging permanent resident ni Abad sa United States.
Gayunman, sinabi ng Supreme Court na dapat inalis ang PHDO dahil BP 22 violations lamang ang mga kasong isinampa laban kay Abad, na may parusang 30 araw hanggang isang taong pagkakakulong bawat bilang at hindi umaabot sa itinakdang minimum penalty.
Nilinaw din ng Korte Suprema na ang PHDO ay umiiral lamang habang nakabinbin ang preliminary investigation. Kapag naisampa na ang Information sa korte, ang mga patakaran para sa regular Hold Departure Order na ang dapat sundin.
Binigyang-diin din ng SC na hindi sapat ang nakabinbing apela sa Secretary of Justice upang patuloy na limitahan ang constitutional right to travel ni Abad. Hindi rin umano sapat na dahilan ang posibilidad na maaari pa siyang kasuhan ng estafa depende sa resulta ng apela. RNT