Home NATIONWIDE TESDA grads pinayuhan ni PBBM na gamitin sa wasto mga natutunan

TESDA grads pinayuhan ni PBBM na gamitin sa wasto mga natutunan

1
0

MANILA, Philippines – PINURI ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Biyernes ang mahigit 1,150 na nagtapos ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa isinagawang mass graduation sa Laoag City, Ilocos Norte, at hinikayat ang mga ito na gamitin nang wasto ang kanilang mga natutunang kasanayan para sa ikabubuti ng bansa.

“Sa ating TESDA graduates, gamitin ninyo ang mga aral at kasanayang natutunan ninyo para sa ikabubuti ng ating bayan. Nawa’y dala ninyo ang tatak ng kasipagan at husay ng TESDA at Ilocos Norte saan man kayo magtungo,” ang bahagi ng talumpati ni Pangulong Marcos sa graduation ceremony na ginanap sa Ilocos Norte National High School Gymnasium sa Barangay Nuestra Señora del Rosario Poblacion, Laoag City.

“Dalangin ng pamahalaan ang inyong tagumpay! Agyamanak unay. (Maraming salamat.) Mabuhay po tayong lahat. Mabuhay ang Bagong Pilipinas,” dagdag ng Pangulo.

Dumalo rin sa programa sina TESDA Director General Secretary Jose Francisco Benitez, TESDA Region 1 Regional Director Ramon Evan Ruiz, at iba pang lokal na opisyal ng pamahalaan.

Dumalo rin sina House Majority Leader Ferdinand Alexander A. Marcos, kinatawan ng Unang Distrito ng Ilocos Norte; Representative Eugenio Angelo Marcos Barba ng Ikalawang Distrito ng Ilocos Norte; at Ilocos Norte Governor Cecilia Araneta-Marcos.

Binati rin ng Pangulo sa wikang Ilokano ang mga nagtapos at kanilang mga pamilya.

“Kadagiti padak ken ay-ayatek nga Ilokano, naimbag nga bigat kadakayo amin. (Sa aking mga kababayang Ilokano, magandang umaga sa inyo.) Para sa akin, walang lugar ang hihigit pa sa bayang aking pinagmulan,” ani Pangulong Marcos.

Ayon sa Pangulo, palaging espesyal ang kanyang pagbabalik sa Ilocos Norte.

“Una, nakakasama ko kayong mahal kong kababayan. Ikalawa, nakikita ko ang mga pagbabago dito sa ating bayan at nanunumbalik sa akin ang dahilan kung bakit natin ipinaglalaban ang isang magandang buhay para sa bawat Pilipino,” pahayag pa ng Pangulo.

Sinabi rin ni Pangulong Marcos na kilala ang mga Ilokano sa pagiging matipid at maingat sa paggastos at isa ito sa prinsipyong kanyang isinasabuhay sa pamamahala sa pamamagitan ng maingat na paggamit ng pondo ng pamahalaan at pagtutok nito sa mga prayoridad na programa, kabilang ang edukasyon.

Ayon pa sa Pangulo, nakikita niya sa mga nagtapos ng TESDA ang pagsisikap na mag-ipon para sa kanilang pag-aaral at ang determinasyong matuto ng mga kasanayang magbibigay sa kanila ng pagkakataong makahanap ng trabaho, kumita, at makapagtatag ng kabuhayan para sa mas magandang kinabukasan.

Ibinahagi rin ng Pangulo na ang ilan sa mga nagtapos ay nagpahayag ng hangaring makabalik sa kolehiyo upang ipagpatuloy pa ang kanilang pag-aaral. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here