MANILA, Philippines – Sinabi ni House impeachment adviser Robert Ace Barbers na sa loob ng mahigit apat na taon ay walang ipinakitang seryosong pagsisikap si Vice President Sara Duterte upang maayos na ma-liquidate ang ₱612.5 milyong confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
Ayon kay Barbers, mula pa noong 2022 hanggang 2026, wala pa ring liquidation report na maituturing na katanggap-tanggap ayon sa Joint Circular No. 2015-01, na nagtatakda ng tamang paggamit at pag-liquidate ng confidential at intelligence funds.
Sa pagdinig ng impeachment trial sa Senado, sinabi ng COA auditor na si Roderick Wamil na paulit-ulit na nabigong sumunod ang OVP at DepEd sa mga requirement ng Joint Circular. Kabilang sa mga nakita ng COA ang walang sapat na dokumento, hindi pinapayagang gastusin, at iba pang kakulangan, na naging dahilan ng audit observation memoranda (AOMs) at notices of disallowance.
Ayon pa kay Wamil, si Duterte mismo ang lumagda sa mga liquidation report at certification bilang pinuno ng OVP at DepEd.
Kinuwestiyon din ni Barbers kung bakit acknowledgment receipts (ARs) lamang ang pangunahing dokumentong isinumite para sa liquidation, kabilang ang mga pangalang “Mary Grace Piattos,” “Andy Lim,” at “Kokoy Villamin,” na hinihinalang hindi tunay na mga tao.
Sinabi ni Wamil na ang OVP sa ilalim ni Duterte ang unang ahensiya ng gobyerno sa halos sampung taon na liquidation na puro ARs lamang ang isinumite para sa confidential funds.
Iginiit ni Barbers na kahit gumamit ng alias ang mga tumanggap ng pondo, kailangan pa ring magsumite ng accomplishment reports sa selyadong sobre upang mapatunayan na nagamit nang tama ang pondo ng bayan.
Binigyang-diin niya na ang isyu ay tungkol sa pananagutan sa paggamit ng pampublikong pondo at hindi tungkol sa pulitika o sa 2028 elections.
Samantala, nauna nang nagpahayag si Vice President Sara Duterte ng balak na tumakbo sa pagkapangulo sa 2028. RNT/MDS