KINSHASA, Congo – Lumampas na sa 4,000 ang kumpirmadong kaso ng Ebola sa Democratic Republic of Congo (DRC), ayon sa pinakahuling datos ng gobyerno.
Umabot na sa 4,053 ang kabuuang kaso, kabilang ang 1,850 na namatay. Ito na ang ikalawang pinakamalaking Ebola outbreak sa mundo at itinuturing ding pinakamabilis kumalat sa kasaysayan.
Ayon sa mga eksperto, maaaring nagsimula ang pagkalat ng virus bago pa ideklara ang outbreak noong Mayo 15, kaya posibleng mas mataas pa ang tunay na bilang ng mga nahawahan.
Nairekord ang mga kaso sa limang lalawigan: Ituri, North Kivu, South Kivu, Haut-Uele, at Tshopo.
Batay sa ulat ng journal Science, maaaring nagsimula ang outbreak noong Enero o mas maaga pa sa Ituri, kung saan mahigit 500 hinihinalang kaso ang natukoy bago ang opisyal na deklarasyon.
Ayon sa mga eksperto, ang naantalang pagtukoy sa sakit, kulang na surveillance, armadong labanan, at kakulangan ng bakuna at gamot ang naging dahilan kung bakit nahirapang mapigilan ang pagkalat ng Ebola.
Tanging ang Ebola outbreak sa West Africa noong 2014–2016, na may higit 28,000 kaso, ang mas malaki kaysa sa kasalukuyang outbreak sa Congo. RNT/MDS