Home NATIONWIDE Barangay tanod patay nang natagpuan sa septic tank

Barangay tanod patay nang natagpuan sa septic tank

1
0

ROXAS, Isabela – Sumisigaw ng katarungan habang pinaglalamayan ngayon ang isang barangay tanod ng kanyang pamilya’t kamag-anak matapos matagpuan sa loob ng isang konkretong septic tank sa isang farm sa Brgy. San Placido, Roxas, Isabela.

Unang napaulat na nawawala ang biktimang si Alfonso Pigao, 40-anyos, isang barangay tanod, at residente ng nabanggit na lugar.

Ayon kay PMaj. Christian Caoile, Hepe ng Roxas Municipal Police Station, nakatanggap ang kanilang himpilan nang isang tawag tungkol sa kinaroroonan ng nawawalang biktima.

Agad rumosponde ang kapulisan kung saan nagsagawa ng paghuhukay sa bahagi ng septic tank ng isang farm sa nabanggit na lugar na bagong natabunan ng graba at buhangin. Sa ginawang paghuhukay, dito positibong natuklasan ang bangkay ng biktima.

Sa ginawang pagsusuri, nakita rin ang nylon rope na nakapulupot sa katawan ng biktima.

Samantala, boluntaryo naman umanong sumuko sa mga awtoridad ang suspek na kinilalang si alyas “Mario”, 45-anyos, isang caretaker, at residente rin ng nabanggit na lugar at inamin na siya ang nasa likod ng pagpatay.

Lumalabas sa imbestigasyon na bago ang pagkawala ng biktima ay magkasama umano ang dalawa at nag-iinuman. Sa gitna ng inuman, nagkaroon sila ng pagtatalo na nauwi sa pananakit at paggapos ng suspek sa biktima bago ito tuluyang dalhin sa septic tank.

Inihahanda na ng pulisya ang kasong murder na isasampa laban sa suspek sa pamamagitan ng inquest proceedings. REY VELASCO

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here