Home NATIONWIDE Mga ahensya ng pamahalaan inalerto ni PBBM sa epekto ng Habagat

Mga ahensya ng pamahalaan inalerto ni PBBM sa epekto ng Habagat

2
0

MANILA, Philippines – IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa lahat ng mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno na manatiling nasa ‘heightened alert’ sa gitna ng epekto ng Habagat.

Ito’y bunsod ng pagbaha sa Metro Manila at ilang bahagi ng Luzon dulot ng malakas na ulan, araw ng Linggo.

“The President is closely monitoring the impact of the Habagat, particularly the situation in flood-prone areas and the rising water levels in dams and reservoirs,” ang sinabi ng Malakanyang.

“He has directed concerned agencies to remain on heightened alert, closely coordinate on water releases, and take the necessary preventive measures to protect communities and critical infrastructure,” ayon pa rin sa Malakanyang.

Sa kabilang dako, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ipinag utos naman ng Pangulo sa Department of Health (DoH) na maging maagap sa magiging sakit dulot ng walang tigil na pag-ulan.

Ang Department of Health aniya ay laging maagap sa sitwasyong ganito.

Kaya ang paalala ni Castro sa publiko na “basta nadikit o napalusong sa tubig baha, sinasadya man o hindi, agad na hugasan ng malinis na tubig at sabon ang katawan. “

“Kailangan rin pong kumonsulta sa pinakamalapit na health center. Ito ay kahit walang nararamdaman o kahit walang sugat, sapagkat hindi agad lumalabas ang sintomas ng Leptospirosis. Maaari ring dumaan ang mikrobyo ng Lepto sa mga talsik ng tubig baha sa mata o bibig,” ayon kay Castro.

“Libre po ang konsultasyon at gamot (Doxycycline) sa lahat ng health centers. Kumonsulta po dahil hindi pwede sa buntis o sa batang 12 years old pababa ang Doxycycline. Mayroon ring mga Dengue Fast Lane sa mga DOH hospitals sa buong bansa,” ang sinabi pa rin ni Castro.

Handa rin ang Department of Health sa mga malilinis na lalagyan ng tubig (jerry cans) at chlorine tablets para siguraduhing ligtas ang iinuming tubig. At kung hindi sigurado sa inuming tubig, pakuluin ito ng dalawang buong minuto simula sa pagkulo.

“Wag na po nating antaying magkalagnat, manilaw ang mata o balat, o mawalan ng ihi dahil sa Lepto. Kumonsulta na agad basta napalusong, kahit walang sugat o nararamdaman,” ang winika ni Castro. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here