Home OPINION WORK PERMIT SA MGA BATANG SOCIAL MEDIA CREATORS, IPINAPATUPAD NG DOLE

WORK PERMIT SA MGA BATANG SOCIAL MEDIA CREATORS, IPINAPATUPAD NG DOLE

3
0

MANILA — Binigyang-diin ng Department of Labor and Employment (DOLE) na ang ipinapatupad nitong
requirement para sa work permit ng mga batang wala pang 15 taong gulang na lumalabas sa monetized
social media content ay naglalayong maiwasan ang pang-aabuso at mapangalagaan ang kanilang
edukasyon, kalusugan, at kapakanan.

Ayon kay DOLE Secretary Francis N. Tolentino, ang Labor Advisory No. 12, Series of 2026 (LA 12-26) na
ipinalabas noong Hulyo 31 ay nagpapalawak sa probisyon ng Republic Act No. 9231 o Anti-Child Labor
Law. Sakop na rin nito ang mga digital platform tulad ng vlogs, livestreams, podcasts, at online
endorsements.

Inihayag ng Kalihim na sa pamamagitan ng advisory na ito, maiiwasan ang paggamit at pang-aabuso sa
mga kabataan, lalo na sa labis na oras ng pagtatrabaho na walang gabay ng pamahalaan.

Sa ilalim ng LA 12-26, ang mga batang wala pang 15 taong gulang na itinatampok sa monetized content
o gumaganap ng mahalagang pagtatanghal sa vlogs ay kailangang kumuha ng DOLE work permit.
Limitado lamang sa apat na oras bawat araw o 20 oras bawat linggo ang pinapayagang oras ng
pagtatrabaho ng bata, at bawal silang magtrabaho lagpas ng alas-10 ng gabi.

May limitadong exemption para sa mga pamilyang negosyo kung saan ang pamilya mismo ang
nagpoprodyus ng vlog, ngunit subject pa rin ito sa mga probisyon ng kasalukuyang child labor laws.

Binigyang-diin din ni Secretary Tolentino ang proteksyon ng bata laban sa financial exploitation. Sa ilalim
ng umiiral na alituntunin, 20 porsiyento lamang ng kita ng bata ang pwedeng gamitin para sa pamilya,
samantalang ang 80 porsiyento ay dapat ilagay sa savings o trust fund para sa kaniyang pag-aaral,
kalusugan, at hinaharap.

Ang aplikasyon para sa work permit ay isusumite sa kaukulang DOLE Regional Office. Binalaan ng Labor
Chief ang mga employer na ang pagkuha sa mga bata nang walang sapat na permit ay may kaukulang
parusa tulad ng multa, pagkabilanggo, at posibleng ipapasara ang establisimiyento.

Ang hakbang na ito ay bahagi ng whole-of-nation approach ng administrasyong Marcos Jr. upang
protektahan ang mga kabataan at isulong mapangalagaan ang kanilang kinabukasan..

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here