Home OPINION SA KRIMEN, HINDI DAPAT PURO HULI—KAILANGAN NG SISTEMA

SA KRIMEN, HINDI DAPAT PURO HULI—KAILANGAN NG SISTEMA

1
0

KUNG nais talagang maibalik ang katahimikan sa isang bayan gaya ng Libacao, hindi sapat ang puro reaksyon kapag may krimeng nangyari. Ang tunay na seguridad ay hindi lamang nakikita sa dami ng nahuhuli, kundi sa kakayahan ng sistema na maagapan ang krimen bago pa ito mangyari.

Kailangan ng malinaw at sistematikong hakbang—mula sa crime mapping, police visibility, mabilis na pagtugon, hanggang sa mas mahigpit na koordinasyon ng pulisya, barangay at lokal na pamahalaan.

Ang isang simpleng bayan ay hindi dapat masanay sa mga insidente ng kriminalidad. Kailangang malaman kung saan nagmumula ang problema, saan madalas nangyayari ang krimen, anong oras ito karaniwang nagaganap, at higit sa lahat, ano ang dahilan kung bakit patuloy itong nauulit.

Mahalaga rin ang pakikilahok ng komunidad. Sa Austria, may sapat na bilang ng mga kababayang Libacaonon na nagpahayag ng kahandaang tumulong sa inisyatibong ito.

Ayon kay Ediven Ramos, immigrant sa Austria, nangako ang kanilang samahan na hindi lamang CCTV ang maaaring ipagkaloob na tulong kundi iba pang mahahalagang kagamitan na makatutulong sa pagkakaroon ng katahimikan at kaayusan sa kanilang bayang pinagmulan.

Samantala, magsasagawa ang pamunuan ng Aklan Provincial Police Office ng mas maigting na koordinasyon sa bawat barangay upang palakasin ang ugnayan sa komunidad at ituro ang tamang paraan ng pagkalap ng impormasyon at intelligence gathering.

Tinitingnan din ng Pinoy in Austrian community ang posibilidad na makapaglaan ng pondo para sa pagbili at pag-install ng CCTV cameras sa mga madidilim at mataong lugar. Layunin nitong makatulong sa pag-iwas sa krimen, mabilis na pagtukoy sa mga insidente at pagpapalakas ng seguridad.

Mahalaga ang CCTV bilang dagdag na kasangkapan ng pulisya at barangay. Ngunit dapat tiyaking naaayon sa batas ang paggamit nito at pinoprotektahan ang privacy ng mga mamamayan.

Sa huli, ang katahimikan ay hindi trabaho ng pulisya lamang.

Ito ay responsibilidad ng buong komunidad.

Sa maayos na koordinasyon ng pulisya, barangay, lokal na pamahalaan at mamamayan, mas magiging epektibo ang pagpapanatili ng kapayapaan—at mas ligtas ang bawat residente ng Libacao.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here