GAYA ng alam ng lahat, nakapaninindig-balahibo na ang mga presyo ng mga pagkain ngayon.
Tanging mga “presyong agawid” sa Ilokano o presyong pauwi na lang ang mura pero para sa mga gulay lang.
May presyong agawid kung pinalalayas na ang mga suplayer sa public market para sa pagbubukas ng mga pwesto sa umaga na nagtitinda ng mas mahal, o kung magsasara na ang mga pwesto ngunit mga isda at karne na medyo bilasa na dahil tira-tira na lang sa maghapong pagtitinda.
Sa mall man o sa palengke sa Metro Manila at karatig na mga lalawigan, heto ang naranasang mga presyo ng pitak na ito,
Ang manok, may presyong P180-240 kada kilo kung buo habang nasa P207, P269, P300, P400 ang baboy.
Itong P300-P400 na presyong baboy ay sa mga mall na fully refrigerated habang mas mura ang mga nakalabas at pwede mong hawak-hawakan at busisiin dahil mapuputla.
Ang baka? Nasa P350 kung may maraming litid at nasa P400-P540 ang medyo malaman-laman.
Ang alimango, kung bibili ka sa mga kalsada, nasa P750-P800 kada kilo at nasa P500-P600 sa mga palengke.
Nagbabago naman ang presyo ng mga isda ngunit ang tilapia at bangus ang kakaiba.
Ang mga buhay na tilapia, dating P100 kada kilo, ngayo’y P150 na habang ang tilapiang Batangas, nasa P300 na.
Ang bangus na amoy-lasang burak ay nasa P200 kada kilo habang ang Dagupan bangus ay P250-P300 na.
Kailangan mong mamasyal o umikot sa matubig-maputik na public market o kaya’y sa may aircon na mall kung gusto mong makabili ng pagkain na abot-kaya mo.
Nakapagtataka lang na hindi uubra ang dasal na sana’y abot-kaya ang presyo at mga may male-maletang pera lang ang nakaliligtas sa sumpa rito.
Ngunit hindi nakapagtatakang laganap ang malnutrisyon at gutom dahil dito.






