Home TOP STORIES AGG, mga residente sa Bulakan nanawagan ng Ombudsman probe sa flood-control projects

AGG, mga residente sa Bulakan nanawagan ng Ombudsman probe sa flood-control projects

4
0

BULAKAN, BULACAN — Nanawagan ang Alliance for Good Governance (AGG), kasama ang ilang residente mula sa 14 na barangay sa Bulakan, Bulacan, sa Office of the Ombudsman na imbestigahan ang umano’y mga iregularidad sa ilang flood-control projects sa bayan at papanagutin ang sinumang mapatutunayang sangkot.

Ginawa ng grupo ang panawagan kasabay ng patuloy na pagbaha sa ilang bahagi ng Bulakan bunsod ng habagat at epekto ng mga nagdaang bagyong Luis at Maymay.

Ayon sa AGG, kabilang sa mga lugar na matinding naapektuhan ng pagbaha ang Taliptip, Perez, Matungao, Bambang, Sta. Ana, San Jose, San Nicolas, Balubad, Tibig at Sta. Ines.

Dahil dito, hiniling ng mga residente na masusing suriin kung maayos na naipatupad at gumagana ang mga flood-control project sa kanilang mga komunidad.

Iginiit ni AGG convenor Alberto Vicente na dapat masaklaw ng imbestigasyon hindi lamang ang mga opisyal ng gobyerno kundi maging ang mga pribadong kontratista at iba pang indibidwal kung may sapat na ebidensiyang mag-uugnay sa kanila sa anumang paglabag.

Sa supplemental affidavit nina dating Department of Public Works and Highways (DPWH) officials Brice Ericson Hernandez at Jaypee Mendoza, inilarawan ng dalawa ang umano’y sistema ng pagdadala ng malalaking halaga ng cash na ayon sa kanila ay kaugnay ng tinatawag nilang “obligasyon,” “commitment” o “SOP” mula sa ilang proyekto.

Partikular na nakasaad sa affidavit na kabilang umano sa mga sasakyang madalas gamitin sa naturang deliveries ang isang puting van na nakatala umano sa TBB Construction, bukod sa iba pang sasakyang iniugnay ng mga affiant sa DPWH at kay dating district engineer Henry Alcantara.

Binanggit din nina Hernandez at Mendoza sa kanilang affidavit ang mga indibidwal na sina Loren Cruz, Aristotle Ambi, Raulito Enriquez at Ronald Cruz bilang mga umano’y nakakasama nila sa ilang delivery.

Sa hiwalay na ulat naman ng NET25 hinggil sa isyu, nabanggit naman sina Bulakan Vice Mayor Aron Cruz, Antonio Cruz at Barangay Matungao Chairman Anthony Mark Rivera Cruz kaugnay ng mga taong at kumpanyang tinukoy sa kontrobersiya.

Iniulat din ng NET25 ang sinasabing ugnayan nina Ronald Cruz at Raulito Enriquez sa pamilya ni Vice Mayor Cruz at sa TBB Construction.

Sinabi rin ng AGG na batay sa kanilang pagsusuri sa mga rekord ng DPWH transparency portal, nakakuha umano ang TBB Construction Corp. ng 145 government contracts na may kabuuang halagang humigit-kumulang P1.8 bilyon mula noong 2018.

Kabilang umano rito ang isang flood-control project sa Barangay Matungao noong 2024 na nagkakahalaga ng P72.3 milyon.

Dahil dito, hiniling ng AGG kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla na imbestigahan ang mga naturang proyekto at transaksiyon at magsampa ng kaukulang kaso laban sa sinumang mapatutunayang lumabag sa batas, kung susuportahan ito ng sapat na ebidensiya.

Iginiit ng grupo na mahalagang matukoy kung wastong nagamit ang pondong inilaan para sa flood control at kung maayos na naipatupad ang mga proyekto, lalo na sa mga komunidad na patuloy na nakararanas ng pagbaha.

RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here