MANILA, Philippines – Isinusulong ni Parañaque City Mayor Edwin L. Olivarez ang pagtatayo ng flood gate at pumping station sa lungsod upang maiwasan ang muling pagbabara ng basura na nagdulot ng pagbaha sa ilang lugar sa lungsod.
Ayon kay Olivarez, kabilang ang flood gate at pumping station sa mga itinuturing na pangmatagalang solusyon laban sa pagbaha at pagpasok ng basura sa mga daluyan ng tubig mula sa Manila Bay at mga karatig-lugar.
Tinalakay ang mga paunang plano para sa naturang mga pasilidad sa pagitan ni Olivarez, Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., Public Works Secretary Vince Dizon, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Don Artes, at iba pang opisyal nang inspeksiyunin nila ang clearing operations sa mga basurang bumara sa Baclaran channel noong nakaraang linggo.
Sinabi ni Olivarez na ang iminungkahing flood gate na itatayo sa pagitan ng Barangays Don Galo at La Huerta sa Parañaque City ay makatutulong upang mapigilan ang pagpasok ng tubig-dagat at basura mula sa Manila Bay patungo sa Parañaque River tuwing masama ang panahon at mataas ang tubig-dagat o high tide.
“Ang atin pong Parañaque River ay di lang nagsisilbing daluyan ng tubig palabas ng ating lungsod at iba pang karatig-lugar. Tuwing masama ang panahon at high tide, ito rin po ang pinapasukan ng tubig pabalik sa atin, kaya nagkakaroon ng baha. Dito po papasok ang pangangailangan natin sa flood gate,” ani Olivarez.
Ipinaliwanag din ng alkalde na kapag nagkataong sabay ang malakas na pag-ulan at high tide, gagamitin ang pumping station upang alisin ang naipong tubig-ulan mula sa mga lugar na nasa upstream at ilabas ito sa Manila Bay. Kasabay nito, pipigilan naman ng flood gate ang pagbalik ng tubig sa lungsod.
Ang tubig mula sa mga upstream area ng mga karatig-bayan at lalawigan ay may dalang basura na dumaraan sa Parañaque River bago mapunta sa look.
“Ang basurang ito ang siya ring bumabalik sa atin sa tuwing may masamang panahon at high tide, gaya ng nangyari sa Baclaran channel,” ani Olivarez.
Samantala, sinabi rin ng alkalde na inayos na ng MMDA ang trash trap na dati nang inilagay sa Baclaran channel. Nasira ang naturang pasilidad dahil sa napakaraming basurang itinulak papasok sa channel sa kasagsagan ng Habagat at high tide.
Dalawa pang kaparehong trash trap ang itinatayo sa kahabaan ng channel sa tulong ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) bilang karagdagang proteksyon.
“Ito po ay mga imprastrukturang magsisilbi bilang panangga natin sa baha at basura sa pangmatagalan,” ani Olivarez, na tinutukoy ang mga trash trap at ang planong pagtatayo ng flood gate at pumping stations.
Ang Baclaran water channel, na tinatayang nasa dalawang kilometro ang haba at may lapad na 60 metro, ay isang hugis-L na artipisyal na kanal na nagsisimula sa Manila Bay at papasok patungo sa LRT-1 Redemptorist Station bago lumiko pahilaga patungo sa EDSA Extension sa Pasay City.
Noong unang bahagi ng buwan, lumobo ang tubig sa Manila Bay dahil sa southwest monsoon o Habagat na pinalakas ng mga bagyong dumaan sa bansa.
“Nakasabay ito sa high tide na nagtulak ng mas maraming tubig papasok sa channel, kasama ang daan-daang toneladang basura na nagmula sa mga karatig-lungsod at lalawigan,” ani Olivarez.
Gayunman, binigyang-diin ng alkalde na ang tanging paraan upang tuluyang matugunan ang problema sa basura sa Manila Bay at mga daluyan ng tubig ay ang disiplina ng mga residente at mahigpit na pagpapatupad ng mga batas laban sa ilegal na pagtatapon ng basura, lalo na sa mga lungsod at bayan na nakapaligid sa Manila Bay at mga upstream area.
Mahigit 100 bayan at lungsod, kabilang ang Parañaque, ang nakikibahagi sa mga baybayin at upstream area ng Manila Bay.