ZAMBOANGA CITY — Sinisilip ng mga awtoridad ang academic pressure at posibleng problema sa seguridad bilang ilan sa mga anggulong maaaring makatulong upang matukoy ang motibo sa madugong pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University (AdZU) Junior High School campus nitong Martes.
Sa isang panayam, sinabi ni Zamboanga City Mayor Khymer Adan Olaso na honor student umano ang estudyanteng sangkot ngunit nakararanas ng pressure dahil nais nitong makakuha ng mas mataas na grado.
Ayon kay Olaso, lumilitaw din sa paunang impormasyon na isang guro ang posibleng unang target ng estudyante. Hindi umano nito tinamaan ang guro bago nagtungo sa ibang bahagi ng gusali.
Gayunman, hindi pa inilalabas ng pulisya ang pinal na konklusyon hinggil sa motibo sa insidente. Iniutos na rin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang masusing imbestigasyon upang matukoy ang buong pangyayari at mga hakbang na kailangan upang maiwasan ang kahalintulad na insidente sa mga paaralan.
Sinabi rin ni Olaso na kailangang imbestigahan kung nagkaroon ng **security lapse** matapos makapasok sa campus ang estudyante na may dalang mga baril.
“Siguro may lapses of security. Kaya nga, we’re asking the school to investigate properly paano nailusot ‘yan,” ani Olaso sa panayam.
Nauna nang sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG), batay sa paunang police report, na may dalang pistol at rifle ang estudyante nang pumasok sa campus. Iniimbestigahan din ng mga awtoridad ang pinagmulan at pagkakaroon nito ng access sa mga armas.
Sinabi rin ni Olaso na may impormasyong nakararanas umano ng depresyon ang estudyante. Gayunman, wala pang inilalabas na medical assessment o opisyal na finding na nag-uugnay sa anumang mental health condition sa pamamaril, kaya nananatili itong bahagi lamang ng impormasyong sinusuri sa imbestigasyon.
Dalawang estudyante, kabilang ang hinihinalang gunman, ang nasawi sa insidente noong Agosto 18. Kinumpirma rin ng Zamboanga City Disaster Risk Reduction and Management Office na may nasugatan habang 21 estudyante ang inasikaso dahil sa panic attack, anxiety at minor injuries.
Idineklara ng AdZU ang Agosto 19 bilang araw ng pagluluksa at panalangin habang nagpapatuloy ang imbestigasyon at pagbibigay ng psychosocial support sa mga apektadong estudyante at miyembro ng school community. Mary Anne Sapico