Home OPINION BASURANG ITINAPON, BABALIK SA’YO

BASURANG ITINAPON, BABALIK SA’YO

1
0

SA tuwing bumubuhos ang malakas na ulan, hindi lamang tubig-ulan ang dapat nating bantayan. Kasama rito ang problemang matagal na nating kinakaharap tulad ng mga basurang napupunta sa kanal, estero, ilog at iba pang daluyan ng tubig.

Bilang mga Pilipino, may obligasyon tayong maging bahagi ng solusyon, hindi ng problema. Ang simpleng pagtatapon ng plastic, bote, sachet, styrofoam at iba pang uri ng basura sa kalsada ay maaaring maliit na bagay sa paningin ng isang tao, ngunit kapag pinagsama-sama, maaari itong maging malaking dahilan ng pagbabara ng drainage at paglala ng baha.

Hindi sapat na sisihin lamang ang pamahalaan kapag lumubog ang ating mga komunidad. Totoong may responsibilidad ang mga lokal na pamahalaan na panatilihing maayos ang drainage systems, regular na linisin ang mga estero at ipatupad ang mga batas pangkalikasan gayundin ang pagtugis sa mga kasabwat sa flood control scheme. Ngunit mayroon ding malinaw na tungkulin ang bawat mamamayan na magtapon ng basura sa tamang lugar at sumunod sa mga ordinansa sa solid waste management.

Ang disiplina sa basura ay hindi lamang usapin ng kalinisan, ito ay usapin din ng kaligtasan.

Gaano man katiting ang basurang itinapon sa kalsada, pihadong maiipon ito sa mga kanal. Ang kanal na nabara ay maaaring magpabagal sa daloy ng tubig. Ang mabagal na daloy ay maaaring humantong sa pagbaha. At ang baha ay maaaring magdulot ng pagkasira ng ari-arian, pagkawala ng kabuhayan, pagkalat ng sakit at pagkasawi ng buhay.

Kaya sa bawat Pilipino, simple lamang ang ating panawagan, huwag magtapon ng basura kung saan-saan. Mag-segregate at mag-recycle kung maaari at panatilihing malinis ang ating kapaligiran.

Hindi natin kayang pigilan ang pagbuhos ng ulan, ngunit kaya nating kontrolin kung gaano karaming basura ang haharang sa daluyan ng tubig-ulan.

Dear readers, kapag nagawa natin ito ng sama-sama sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pagkakaisa, mas madali na para sa atin ang pagsalansan sa mga basurang nakasusulasok ang amoy at patuloy na bumabara sa daloy ng kaunlaran sa ating bayan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here