Home OPINION DOLE, IPATUPAD WAGE HIKE HABANG WALANG BOND PARA SA WRIT OF PRELIMINARY...

DOLE, IPATUPAD WAGE HIKE HABANG WALANG BOND PARA SA WRIT OF PRELIMINARY INJUNCTION

1
0

NAGLABAS ng resolution ang RTC ng Pasig City na pinagbigyan ang hinihinging preliminary injunction ng mga nagdemanda upang ipatigil ang pagpapatupad ng ₱85 wage hike. Ngunit bago maibigay ang mismong writ of preliminary injunction, nag-require ang hukuman ng ₱10 bilyong bond.

Ibig sabihin, hanggang walang naipapasang ₱10 bilyong bond, wala pang writ of preliminary injunction at, ayon sa pananaw ng LCSP, maaari pang ipatupad ang wage hike.

Para saan ang ₱10 bilyong bond? Ito ang magsisilbing panagot sa “all damages which may be sustained by reason of the injunction if the Court finally decide that the applicant is not entitled thereto.”

Sa madaling salita, kung matapos ang pagdinig ay mapatunayang hindi dapat pinatigil ang implementasyon ng wage hike at nagkaroon ng pinsala ang mga manggagawa, ang bond ang magsisilbing panagot sa mga nasabing damages.

Pero ang tanong: May cash ba na ₱10 bilyon ang mga nagdemanda, na pawang mga construction companies, para direktang i-post bilang bond?

Kung wala, maaari silang kumuha ng surety bond at magbayad ng premium sa bonding company.

Dito pumapasok ang isa pang mahalagang tanong: Sinong bonding company ang may kakayahan at handang sumagot ng ₱10 bilyon kung sakaling matalo ang mga nagdemanda at magkaroon ng pananagutan sa damages?

At aaprubahan ba agad ng korte ang surety bond? Dapat tiyakin ng hukuman na tunay na may kakayahan ang bonding company na magbayad ng ₱10 bilyon kung sakaling pabor sa mga manggagawa ang magiging desisyon.

Hangga’t wala pang bond, wala pang writ of preliminary injunction. Hindi rin maaaring walang katapusan ang paghihintay ng DOLE sa pagpo-post nito. Dapat itong isagawa sa loob ng ‘reasonable time’.

Sa ngayon, may motion for reconsideration ang DOLE sa desisyon ng hukuman. Ngunit kahit may motion for reconsideration, kung maipapasa ang kinakailangang bond, maaari nang ma-issue ang writ.

Kawawa ang manggagawa. Mukhang mauuwi na naman sa paghihintay ang isang dagdag-sahod na matagal na nilang inaasahan.

====================

Atty. Ariel Inton

President/Founder

Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP)

09178174748

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here