MANILA, Philippines — Umabot sa 9,009 pampublikong paaralan sa 15 rehiyon ang nagsuspinde ng face-to-face classes nitong Miyerkules, Agosto 19, dahil sa epekto ng pinalakas na Habagat at Tropical Depression Neneng, ayon sa Department of Education (DepEd).
Batay sa situation report ng DepEd Disaster Risk Reduction and Management Service (DRRMS) hanggang alas-8 ng umaga, saklaw ng suspensyon ang 94 school divisions sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Pinakamaraming apektadong paaralan ang naitala sa Central Luzon na may 2,766, kasunod ang Calabarzon na may 2,659 at Ilocos Region na may 1,811.
Nakapagtala rin ng 767 apektadong paaralan sa Mimaropa, 425 sa Cordillera Administrative Region, 233 sa Zamboanga Peninsula at 204 sa Metro Manila.
Bukod sa suspensyon ng klase, 29 paaralan na may 81 silid-aralan ang ginagamit bilang evacuation centers para sa 588 pamilya na naapektuhan ng masamang panahon.
Kabilang dito ang mga paaralan sa Pampanga, Valenzuela City, Malolos City, Dagupan City, Occidental Mindoro, Pasig City at Tarlac.
Pinag-iingat naman ng DepEd-DRRMS ang mga paaralan at field offices at inatasang patuloy na bantayan ang weather advisories, tiyaking gumagana ang emergency communication channels at ihanda ang contingency plans at School Disaster Risk Reduction and Management teams kung kinakailangan.
Pinayuhan din ang mga paaralan na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at disaster risk reduction councils, habang sinisiguro ang kaligtasan ng school properties, kagamitan at learning materials sa mga lugar na nanganganib sa pagbaha at malakas na ulan. Santi Celario