Home IN PHOTOS P292.4M tobats, nasabat sa kargamento mula Afghanistan

P292.4M tobats, nasabat sa kargamento mula Afghanistan

14
0

MANILA, Philippines — Nasamsam ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang tinatayang 43 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱292.4 milyon, matapos madiskubre itong nakatago sa mga fabric pouch na itinulad sa talc stones sa Manila International Container Port (MICP).

Ayon sa BOC, galing Afghanistan ang shipment na binubuo ng dalawang 20-foot container at idineklarang kargamento bilang “talc stones.”

Isinailalim ang mga container sa 100% physical examination matapos ma-flag sa mahigpit na profiling at monitoring ng BOC sa mga high-risk shipment.

Napansin din ng mga awtoridad ang pagkakatulad nito sa isang shipment mula Afghanistan na idineklarang “marble” at nasabat sa MICP noong Pebrero 10, 2026. Sa naturang operasyon, nasa 40 kilo ng dangerous drugs na tinatayang nagkakahalaga ng ₱272 milyon ang nakumpiska.

Sa isinagawang pagsusuri, natuklasan ang hinihinalang ilegal na droga na nakatago sa mga fabric pouch na binalutan ng materyal na kahawig ng plaster of Paris upang magmukhang bahagi ng idineklarang kargamento.

Kinumpirma naman ng laboratory examination sa mga sample na naglalaman ang mga ito ng methamphetamine hydrochloride o shabu.

Binigyang-diin ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno ang kahalagahan ng mahigpit na risk management at pagbabantay sa mga shipment upang mapigilan ang pagpasok ng ilegal na droga sa bansa.

Ayon kay Nepomuceno, patunay ang operasyon na epektibo ang profiling at risk management ng BOC sa pagtukoy sa mga high-risk shipment at paulit-ulit na modus ng mga smuggler.

Pinuri rin ng BOC ang PDEA sa mahalagang ambag nito sa matagumpay na pagkakasabat ng malaking shipment ng hinihinalang shabu.

Pinangunahan ng PDEA at BOC ang operasyon sa pamamagitan ng Customs Anti-Illegal Drug Task Force (CAIDTF), Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), Enforcement and Security Service (ESS), X-ray Inspection Project (XIP), at iba pang concerned units. JAY Reyes (larawa kuha ni ERIC OCAPAN)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here