MANILA, Philippines – Isinusulong ni Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson ang mas mabigat na parusa laban sa mga taong humihikayat o pumipilit sa iba na gumawa ng perjury, kasunod ng mga pag-recant kamakailan ni “coached witness” Orly Guteza at tatlo sa “Maleta Boys” hinggil sa kanilang mga pahayag na nagsabing naghatid sila ng pera gamit ang mga maleta sa ilang personalidad.
Nanawagan din si Lacson para sa mas mahigpit na pagpapatupad ng umiiral na Anti-Perjury Law upang mapigil ang “negosyo” ng mga laban-bawing testimonya, lalo na ang mga nagta-target sa mga personalidad sa pulitika.
“Orly Guteza’s recantation should not end there. Republic Act No. 11594 which we passed in October 2021 has increased the penalty for perjury to ‘prision mayor’. Further, a person who induces another to commit perjury is also liable for being a principal by inducement,” aniya sa isang post sa X.
“I will file a bill imposing heavier penalty and fine for ‘subornation of perjury’ or, if a person induces or forces another to commit perjury,” dagdag niya.
Dagdag niya, ang maaaring magsampa ng reklamo ay ang “directly offended or prejudiced” ng perjury.
“(T)he person directly offended or prejudiced by the perjury may file. In Guteza’s case – ex Speaker Romualdez. If not him for some reason, any public officer charged with enforcing the law,” aniya.
Noong Huwebes, sinabi ni Lacson na hindi nakakagulat ang pag-atras ni Guteza sa kanyang naunang pahayag matapos niyang mapansin ang “coaching” ni Sen. Rodante Marcoleta kay Guteza, o sinasabihan siya kung ano ang dapat niyang sabihin sa kanyang affidavit, sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee na pinamunuan ni Lacson noong Setyembre 23 ng nakaraang taon.
Sa kanyang pag-recant sa naunang pahayag, sinabi rin ni Guteza na pinagsasalita umano siya nina Marcoleta at ex-Rep. Michael Defensor kapalit ng pera at mga scholarship para sa kanyang mga anak.
Samantala, binigyang-diin ni Lacson ang pangangailangang mahigpit na ipatupad ang Republic Act No. 11594, na nagtatakda ng mas mabibigat na pagkakakulong at multa para sa mga gumagawa ng perjury.
Aniya, ang pag-atras ni Guteza at ng ilan sa “Maleta Boys” sa kanilang mga pahayag ay naging “a dime a dozen,” at nagpapahiwatig na maaaring naging isang negosyo ang ganitong gawain.
“While figuratively, testimonies and recantations are ‘one dime a dozen’ these days, ironically, they have become a lucrative business especially when targeting politicians,” aniya.
Dagdag ni Lacson, itinaas na niya at ng kanyang mga kapwa mambabatas ang parusa sa krimen ng perjury sa pamamagitan ng pagsasabatas ng RA 11594, kasunod ng mga pagdinig hinggil sa extrajudicial killings (EJK) ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs noong 2021, ngunit kulang ito sa implementasyon.
“Apparently its implementation is wanting,” aniya.
Sa ilalim ng Article 183 ng Revised Penal Code, na inamyendahan ng RA 11594, ang pagbibigay ng maling testimonya ay may parusang prision mayor sa minimum period nito (anim na taon at isang araw hanggang walong taon) at multang P1 milyon.
Kung ang nagkasala ay isang public officer o empleyado, itataas sa 12 taon ang maximum na pagkakakulong, bukod pa sa perpetual absolute disqualification sa paghawak ng anumang appointive o elective position sa pamahalaan.
Ipinunto rin ni Lacson na bukod sa mas mabibigat na parusang itinatakda ng batas, hindi nangangahulugang awtomatikong hihina ang mga kaso laban sa mga taong nasangkot dahil lamang sa mga recantation.