Home METRO Culinary stude, timbog sa ‘TikTok shooting threat’ sa Cebu

Culinary stude, timbog sa ‘TikTok shooting threat’ sa Cebu

1
0

CEBU CITY — Arestado ang isang 20-anyos na culinary student matapos umanong magkomento sa TikTok Live na magsasagawa siya ng pamamaril sa isang unibersidad sa Cebu City.

Kinilala lamang ng pulisya ang suspek sa alyas na “Rence.”

Ayon sa paunang imbestigasyon, ginawa umano ng suspek ang komento nitong Miyerkules, Agosto 19, kung saan binanggit niya ang pag-atake sa isang unibersidad sa Sanciangko Street.

Naiulat sa Cebu City Police Office ang naturang online threat at iniimbestigahan ito ng Parian Police Station dahil sakop nito ang lugar ng paaralan.

Natukoy kalaunan na residente ng Mandaue City ang suspek ngunit nagtungo umano ito sa Poro Island sa Camotes. Sa koordinasyon ng mga awtoridad, naaresto siya sa Purok Mangga, Barangay Altavista, Poro.

Inamin ng suspek na siya ang gumawa ng komento ngunit iginiit niyang biro lamang ito at wala siyang intensyong isagawa ang banta.

“Nadala lang sa kabuang gyud… Wala gyud koy intention nga buhaton na nako,” ani Rence sa panayam ng mga mamamahayag.

Humingi rin siya ng paumanhin at nagbabala sa iba na huwag tularan ang kanyang ginawa.

Ayon sa pulisya, inihahanda ang kasong may kaugnayan sa Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012 laban sa suspek.

Patuloy namang sinusuri ng mga awtoridad ang insidente sa gitna ng pinaigting na pagbabantay sa mga online threat laban sa mga paaralan kasunod ng mga nagdaang insidente ng school violence.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here