BACOLOD CITY — Patay ang isang 84-anyos na faith healer matapos pasukin at pagsasaksakin ng dalawang hindi pa nakikilalang lalaki habang natutulog sa kanyang bahay sa E.B. Magalona, Negros Occidental.
Kinilala lamang ng pulisya ang biktima sa alyas na “Bay,” isa ring pedicab driver.
Ayon kay Police Master Sgt. Henry Mangana III, natutulog ang biktima katabi ang kanyang 67-anyos na asawa sa kanilang bahay sa Don Hermino Village, Barangay 1 nitong Miyerkules, Agosto 19, nang pasukin sila ng dalawang lalaking nakasuot ng bonnet.
Pinagsasaksak umano ng mga salarin ang matanda. Sinubukan siyang tulungan ng kanyang asawa ngunit nagtamo rin ito ng minor injury sa kamay.
Isinugod sa ospital ang biktima dahil sa maraming saksak ngunit idineklarang patay.
Batay sa paunang imbestigasyon, ang 84-anyos ang pangunahing target ng mga salarin.
Sinisilip ng pulisya kung may kaugnayan ang pagpatay sa pagiging faith healer ng biktima o kung nag-ugat ito sa personal na alitan. Gayunman, wala pang natutukoy na motibo at wala pang nakikilalang suspek.
Sinabi rin ng pulisya na walang criminal record ang biktima.
Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan at kinaroroonan ng dalawang salarin. RNT