MANILA, Philippines — Naglatag ang Department of Health (DOH) ng limang gabay para sa mga magulang upang maprotektahan ang mga bata laban sa mapanganib at hindi angkop na content sa internet.
Ayon sa DOH, mahalaga ang aktibong paggabay ng mga magulang habang mas lumalawak ang access ng mga bata sa gadgets, social media at iba pang online platforms.
Una, pinapayuhan ang mga magulang na i-activate ang restricted mode sa gadgets at platforms na ginagamit ng kanilang mga anak upang mabawasan ang exposure sa hindi naaangkop na content.
Ikalawa, tiyaking nakaayos ang privacy settings ng mga app upang makontrol kung sino ang maaaring makipag-ugnayan o makakita ng impormasyon ng bata.
Ikatlo, gamitin ang parental control tools upang ma-block ang adult websites at iba pang content na maaaring hindi ligtas para sa mga menor de edad.
Ikaapat, limitahan ang screen time ng mga bata. Ayon sa gabay ng DOH, hanggang isang oras para sa mga batang edad 2 hanggang 5, at isa hanggang dalawang oras naman para sa edad 6 hanggang 12.
Ikalima, hinihikayat ang mga magulang na magkaroon ng bukas na komunikasyon sa kanilang mga anak tungkol sa internet safety, kabilang ang mga dapat gawin kapag nakaranas sila ng pagbabanta, harassment o kahina-hinalang pakikipag-ugnayan online.
Pinaalalahanan din ng DOH ang publiko na agad i-report sa Women and Children Cybercrime Protection Unit ng PNP Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) kapag may natukoy na online predator o banta laban sa mga bata.
Binigyang-diin ng kagawaran na bukod sa paggamit ng safety features sa gadgets, mahalaga pa rin ang regular na paggabay at pakikipag-usap ng mga magulang sa kanilang mga anak tungkol sa kanilang mga ginagawa at nakikita online. Jocelyn Tabangcura-Domenden