MANILA, Philippines – Binuweltahan ni House prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon ang dating Chief Presidential Legal Counsel na si Salvador Panelo matapos nitong tawaging “worthless” at “useless” ang mga witness ng prosekusyon sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa isang online press briefing, sinabi ni Ridon na posibleng hindi nasusubaybayan nang maayos ni Panelo ang mga pagdinig dahil tulog ito sa ilang bahagi ng trial.
“Una sa lahat, hindi ako sure kung aling bahagi po ‘yung na-monitor niya kasi may panahon na tulog siya sa kanyang araw-araw po na pagpunta sa paglilitis,” pahayag ni Ridon.
Dumepensa si Ridon sa puna ni Panelo at iginiit na matagumpay na naipaliwanag ng kanilang mga testigo ang iba’t ibang anggulo sa alegasyon laban sa Bise Presidente.
“So tingin ko, we are very much confident doon po sa pagkakapresenta ng aming pong mga testigo, and we are expecting the same until the very end,” giit ng mambabatas.
Binatikos din ni Panelo ang bagal ng impeachment trial at isinisi ito sa kawalan ng kontrol ni Senate Impeachment Court Presiding Officer Senator Francis “Chiz” Escudero sa mga proceedings.
Depensa naman ni Ridon, maayos na pinangangasiwaan ni Escudero ang paglilitis at binibigyan ng sapat na pagkakataon ang magkabilang panig na maipaliwanag nang buo ang kanilang posisyon.
“So dapat hindi rin natin ito minamadali. We should allow all the parties, prosecution, defense, and even the senator-judges, to be able to state their case and to state their thoughts during the course of the proceedings,” pagtatapos ni Ridon. Gail Mendoza