Home NATIONWIDE Pahayag ni Pulong sa ‘pre-determined narrative’ ng impeachment trial sinupalpal ni Ridon

Pahayag ni Pulong sa ‘pre-determined narrative’ ng impeachment trial sinupalpal ni Ridon

1
0

MANILA, Philippines – Walang basehan ang paratang na may “pre-determined narrative” na sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, ayon kay House Impeachment Prosecutor Rep. Terry Ridon.

Nag-isyu si Ridon ng pahayag matapos na sabihin ni Davao City 1st District Representative Paolo Duterte na ang pag-asa ng kanyang kapatid para sa “speedy” impeachment proceedings ay hindi nangangahulugan na “speedy surrender to a pre-determined narrative”.

“Walang predetermined narrative. Kasi ang ibig sabihin ng predetermined narrative, hindi ko kasali ‘yung defense panel doon eh. Pero kita naman natin, kasali naman po ‘yung defense panel at ang pangalang Pangulo dito sa kabuuan po ng takbo ng impeachment trial po natin. So, I don’t think it is accurate to even say na mayrooon pong predetermined narrative,” giit ni Ridon.

“Yun pong pre-determined narrative na binabanggit, tingin ko wala po itong batayan sa katotohanan,” dagdag pa.

Naniniwala si Ridon na ang pisikal na presensya ni Duterte sa impeachment trial ay mas lalo nang kailangan, kasabay ng pagdami ng mga tumitestigo sa mga alegasyon sa articles of impeachment.

Sinabi ni dating OVP Special Disbursing Officer Gina Acosta sa Senate Impeachment Court na si Duterte ang nag-utos sa kanya na ilipat ang P125 milyong confidential funds kay Col. Raymund Dante Lachica noong Disyembre 2022.

Noong Miyerkules, sinabi ni Duterte na ang kanyang partisipasyon sa paglilitis ay sa pamamagitan ng kanyang mga counsel.

“Dahil hindi naman ako abogado para sa impeachment doon so wala akong matutulong doon sa proseso ng pag-present ng witness, cross-examine ng witness. Lahat ‘yun ay trabaho ng abogado. At ‘yan ‘yung participation at appearance ko doon,” ani Duterte.

“Tama naman, hindi po siya abugado nito pong impeachment trial. Pero siya po yung nasasakdal.. Siya po ‘yung akusado. So malaki po ‘yung bahagi na maiaambag ng ating pangalawang Pangulo, hindi lang po doon sa presentasyon ng ebidensya, kundi kahit doon po sa kabuang latag po at paghanda ng depensa dito po sa bagay na ito,” tugon naman ni Ridon dito.

“Kasi sa bawat araw po na dumaraan, ‘yung pong hakbang-hakbang at piece by piece po na pagpapakita ng ebidensya. Pabigat ho nang pabigat ito eh. Lalo’t higit nakita ho natin doon sa testimonya ni Ms. Acosta, siya na mismo ‘yung itinuturo ng kanya ho mismong tauhan na nag-utos ng pagbibigay noon pong perang P125 million kay Mr. Lachica. So, very important ho na makita ho at the very least ‘yung presensya ng ating pong Pangalawang Pangulo dito sa pagtatakbo ng paglilitis po niya mismo,” giit pa niya.

Samantala, sinita rin ng House Impeachment Prosecutor ang sinabi ni dating Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na ang mga witness na ipinresenta ng prosekusyon ay “worthless” at “useless”.

“Una sa lahat, hindi ako sure kung aling bahagi po ‘yung na-monitor niya, kasi may panahon na tulog siya doon sa kanyang araw-araw na pagpunta sa paglilitis… Pangalawa, tingin ko naman ho, naging very fair ang ating presiding officer dito po sa kanya pong pagpapatakbo nito pong paglilitis po na ito… We are very much confident doon po sa pagkaka-presenta ng aming mga testigo,” ani Ridon.

“Mayroon talagang ilang mga maneuvers na ginawa ‘yung depensa, para ma-delay ‘yung proceedings. So, katulad ng mga common exhibits, it is basically the same exhibits, acknowledgement receipts, pero they did not want to stipulate… Syempre, ‘yung expediting the proceedings naman cuts both ways. So it’s not just for us, it’s also for the defense, but also for the court itself. So hopefully, ‘yun ho ‘yung mapagkaisahan. ‘Yung mga pwedeng mga stipulate na common exhibits, dapat hindi na ho talaga ‘yan pinapatagal, lalo’t higit galing din naman sa kanila ito pong mga dokumento pong ito,” dagdag pa niya.

Target na tapusin ng prosekusyon ang kanilang presentasyon ng mga ebidensya sa katapusan ng Setyembre.

Ito ay susundan na ng presentasyon ng mga ebidensya ng defense team. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here