Home METRO 13 abandonadong parcel na may higit P36M ilegal na droga, kinumpiska

13 abandonadong parcel na may higit P36M ilegal na droga, kinumpiska

1
0

PASAY – Nasabat sa ikinasang interdiction operation ang 13 abandonadong parcel na naglalaman ng iba’t-ibang uri ng ilegal na droga na nagkakahalaga ng mahigit P36,000,000 sa Central Mail Exchange Center (CMEC), Domestic Road, Pasay City, Lunes ng hapon, Agosto 24.

Base sa inisyal na report ng Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG), ikinasa ang interdiction operation bandang alas 3:00 ng hapon sa Central Mail Exchange Center (CMEC), Domestic Road, Pasay City.

Ang nakumpiskang 2,838 gramo ng MDMA (ecstasy) ay galing sa Teteringen at Muiden, The Netherlands; at Dormagen, Germany na nagkakahalaga ng P12,061,500 habang ang 5,282 gramo ng kush na nanggaling sa Portland at Las Vegas, USA; at Bangkok, Thailand ay may halaga na P7,923,000.

Galing ng Amsterdam, The Netherlands; at Neglica, Poland ang nasamsam na 3,756 tabletas ng ecstasy na may halagang P6,385,200 samantalang ang 511 gramo ng hinihinalang ketamine ay nanggaling naman sa Teteringen, The Netherlands na may halagang P2,555,000.

Nagmula naman sa Rajasthan, India ang nakumpiskang 1,064 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P7,235,200.

Mga Pilipinong residente sa iba’t-ibang lugar sa bansa naman ang mga naging consignee ng mga nakumpiskang ilegal na droga.

Ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa PDEA Laboratory Service para isailalim ang mga ito sa laboratory examination.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 4 Art. Il ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek sa Pasay City Prosecutor’s Office.

Ang NAIA-IADITG ay binubuo ng mga operatiba ng PDEA RO NCR kabilang ang Bureau of Customs – Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (BOC-CAIDTF); PNP Aviation Security Group (AVSEG); Airport Police Department (APD); PNP Drug Enforcement Group (DEG); National Bureau of Investigation (NBI); at ng Bureau of Immigration (BI). (James I. Catapusan/ larawan ni Jimmy Hao)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here