ILOILO, Philippines – Mahigit P165.5 milyon halaga ng ilegal na droga ang nasamsam ng pulisya sa Western Visayas sa loob ng tatlong buwan, ayon sa Police Regional Office–Western Visayas.
Batay sa accomplishment report, umabot sa 24.23 kilo ng ilegal na droga ang nakumpiska sa 415 operasyon mula Mayo 22 hanggang Agosto 22.
Aabot naman sa 508 hinihinalang drug personalities ang naaresto, kabilang ang 175 high-value individuals.
Ayon kay Regional Police Director Randulf Tuaño, mas mahalaga kaysa sa halaga ng mga nakumpiskang droga ang pagpigil sa pagkalat nito sa mga komunidad.
Kasabay nito, bumaba rin ng 22.84 porsyento ang walong focus crimes, mula 499 insidente noong nakaraang taon tungo sa 385 ngayong taon.
Pinakamalaki ang ibinaba ng mga kaso ng rape na bumagsak ng 55.56 porsyento, mula 126 naging 56. Bumaba rin ng 21.21 porsyento ang murder cases, mula 33 naging 26, habang ang robbery cases ay bumaba ng 18 porsyento, mula 50 naging 41.
Sinabi ni Tuaño na dapat magsilbing hamon ang mga resulta upang lalo pang paigtingin ng pulisya ang kanilang operasyon at hindi maging kampante. RNT/MDS