Home TOP STORIES M4GG, muling pinagtibay paninindigan para sa tapat na pamamahala

M4GG, muling pinagtibay paninindigan para sa tapat na pamamahala

33
0

MANILA, Philippines — Muling pinagtibay ng Mayors for Good Governance (M4GG) ang pagsusulong ng transparent, may pananagutan at nakasentro sa mamamayang pamamahala sa ginanap nitong 3rd Anniversary Good Governance Summit and General Assembly sa Diamond Hotel Manila noong Agosto 22.

Dumalo sa buong-araw na pagtitipon ang mga convenor, miyembro, partner at resource person upang talakayin ang mabuting pamamahala, mahusay na pamumuno at tapat na serbisyo publiko sa antas ng mga lokal na pamahalaan.

Nagsilbing co-hosts ng programa sina Negros Occidental 3rd District Rep. Javier Miguel Benitez at Rep. Agatha Paula Cruz.

“We are grateful for the opportunity to stand with M4GG on its third anniversary. This is a room full of leaders who chose the harder, more accountable way to lead,” pahayag ni Benitez.

“Good governance is not an aspiration. It is a standard, and these mayors are proving it is possible,” dagdag niya.

Nagbigay ng welcome remarks si M4GG President at Quezon City Mayor Joy Belmonte, habang naghatid ng opening remarks si Daniela Braun ng Konrad-Adenauer-Stiftung Philippines.

Tinalakay ni Romblon Governor Trina Firmalo-Fabic ang pagbasag sa mga hadlang sa serbisyo publiko. Sinundan ito ng panel discussion kasama sina Naga City Mayor Leni Robredo, Mayor Law Fortun at Mayor Bruce Matabalao.

Tampok naman sa ikalawang talakayan sina M4GG Chairperson at Baguio City Mayor Benjamin Magalong, Belmonte, Isabela City Mayor Sitti Hataman at Pasig City Mayor Vico Sotto. Nakatuon ang kanilang diskusyon sa pagsasalin ng mga prinsipyo ng mabuting pamamahala sa aktuwal na pagkilos.

Kabilang sa mga hakbang ng M4GG ang REPORT INFRA, isang channel para sa mga sumbong tungkol sa pinaghihinalaang ghost, overpriced o substandard na mga proyektong imprastraktura.

Isinulong din ng grupo ang mas malawak na public access sa impormasyon hinggil sa pambansang badyet at sinuportahan ang pagtaas sa Local Government Support Fund, na umabot sa P57 bilyon.

Nakipagpulong din ang M4GG sa Department of Social Welfare and Development para sa mas epektibong pagpapatupad ng mga programang panlipunan sa lokal na antas. Isinagawa rin nito ang LEAP Open Government Fellowship Program para sa mga first-term mayor.

Nagtapos ang summit sa Commitment Ceremony, kung saan muling nangako ang mga kasaping alkalde na uunahin ang kapakanan ng mamamayan, responsableng pamamahalaan ang pampublikong yaman, palalawakin ang pakikilahok ng publiko at mamumuno nang may integridad at transparency.

Itinatag noong Agosto 2023, ang M4GG ay isang non-profit na kilusan ng mahigit 100 lokal na punong ehekutibo mula sa iba’t ibang partido, rehiyon at pananaw sa politika.

Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here