MANILA, Philippines – Suportado ng Department of Finance (DOF) ang Executive Order No. 122 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na naglalayong magpatupad ng Unified National Policy Framework para sa Critical Minerals Industry ng bansa.
Ayon kay Finance Secretary at investment czar Frederick Go, magbibigay ang EO 122 ng malinaw na direksyon upang hindi lamang manatili sa pagmimina at pag-export ng hilaw na mineral ang Pilipinas, kundi makalikha rin ng mas malaking halaga mula rito.
Layunin ng kautusan na palakasin ang processing, manufacturing at iba pang value-adding activities na maaaring lumikha ng trabaho, makahikayat ng investments at makatulong sa ekonomiya.
Inatasan ang Department of Trade and Industry–Board of Investments (DTI-BOI), katuwang ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), na isulong ang investments sa mineral refining, advanced materials processing, at paggawa ng mga baterya, electronic components, renewable energy technologies at iba pang produkto.
Kasama rin sa plano ang pagbuo ng mga industriya para sa energy, water supply, transport at logistics, pati na ang recovery at recycling ng critical minerals.
Itinataguyod din ng EO 122 ang responsableng at sustainable mining, kabilang ang pagpapatupad ng “Use It or Lose It” policy para sa mining tenements at pagpapabilis sa privatization ng ilang government-owned critical mineral mining assets.
Itinalaga rin sina Go at DENR Secretary bilang co-chairpersons ng Mining Industry Coordinating Council (MICC) upang mas mapag-ugnay ang mga polisiya ng pamahalaan para sa mining at critical minerals sector.
Ayon kay Go, mahalaga ang hakbang na ito habang tumataas ang pandaigdigang demand para sa critical minerals na ginagamit sa electric vehicles, renewable energy, electronics, digital technologies at advanced manufacturing.
Bilang isa sa mga pangunahing producer ng nickel sa mundo at may malalaking deposito ng copper, cobalt at iba pang critical minerals, sinabi ng DOF na may malaking oportunidad ang Pilipinas na makakuha ng mas malaking bahagi sa lumalawak na global supply chains. RNT/MDS