BULACAN, Philippines – Ipinahayag ni Governor Daniel Fernando ang kanyang saloobin nang mag-viral ang kanyang dagliang panayam kay Ted Failon nitong Agosto 20 patungkol sa P41 Billion Allocation ng mga flood control projects sa lalawigang ito.
Ayon kay Fernando, naging viral hook ang tanong ni Failon tungkol sa P41 Billion Allocation ng mga flood-control projects na ipinatutupad ng national government sa lalawigan dahil sa sagot niya na: “Idon’t know. I have no knowledge about ito.”
Aniya, ang kanyang nais sabihin ay wala sa kanyang harapan ang kumpleto at eksaktong datos na kailangan upang makapagbigay siya ng responsableng sagot sa sandaling iyon.
Dahil dito, sa ganoong simpleng sagot na sa ilang minuto ay sumambulat sa social media hanggang sa naglabasan ang maraming komento, panlalait, share at re-share ng video, mga AI memes na clueless siya, irresponsible at kung anu-ano pang masadakit na salita.
Sinabi din ng gobernador na may pressure siyang nadama sa panayam na iyon na maaaring hindi pulido ang pagkakasagot niya, maaaring mas malinaw niya sana itong naipaliwanag subalit ang pagsasabing “Hindi ko alam” sa isang tanong na nangangailangan ng datos ay hindi nangangahulugang wala siyang alam o walang pakialam.
Niratrat umano siya ni Failon ng mga tanong gaya ng , “Di mo ba nalaman man lang ito?, Magkano ang national tax allocation ng Bulacan sa huling tatlong taon, magkano ang provincial budget, infrastructure budget hanggang mapunta sa flood control, sa mga mayor na kaalyado o hindi.
Mas mahalaga sana umanong naitanong sa kanya kung saan napunta ang P41 bilyon at bakit lubog pa rin sa baha ang Bulacan.
“Kasi iyan din ang tanong ko, “anang punong lalawigan na nagsabing iyan din ang tanong ng bawat Bulakenyong nabubuhay sa pangam ng malawakang pagbaha sa tuwing sasapit ang ganitong panahon.
Samantala, nais din niyang linawin na walang massive flood control projects ang provincial government na katulad sa DPWH at ang P41 Billion Flood Control Projects sa Bulacan ay wala sa direktang kontrol ng gobernador.
Kailangan umano ng mas maayos na koordinasyon at transperancy sa pagitan ng national government, mga implementing agencies at mga lokas na pamahalaan, dagdag pa niya.
Kaugnay nito, nitong Lunes, hinarap mismo ni Pangulong Bongbong Marcos ang mga kinatawan ng mga LGU sa Gitnang Luzon na nanawagan na magkaroon ng tamang plano, konkreto at pangmatagalang solusyon sa baha. (Dick Mirasol III / larawan kuha ni Val Leonardo)







