MALABON CITY, Philippines – Naaagnas na bangkay ng isang 45-anyos na scavenger ang matagpuan na bahagyang nakalubog sa baha sa silong ng isang bahay sa Malabon City, napaulat.
Sa ulat, nakalanghap ng masangsang na amoy si alyas “Merryann”, 40, na nagmumula sa silong ng kanilang bahay sa Phase 4, Flovihomes, Brgy. Tonsuya at nang kanyang tignan at nadiskubre ang bangkay ng biktima na si alyas “Raffy” dakong alas-7:30 ng gabi.
Batay sa report ni Malabon police chief P/Col. Kenneth Mission kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, nakausap pa ng ina ni alyas Merryann na si Aling Adelfa ang biktima noong Sabado ng tanghali at ipinakiusap na limasin ang baha sa silong ng kanilang bahay.
Sa pag-aakalang hindi sumunod ang biktima, pinuntahan ito ni Aling Adelfa sa kanilang bahay ng sumunod na araw upang ulitin ang pakiusap na limasin ang baha sa kanila subalit, hindi niya natagpuan ang binata at hindi rin mahanap ng 70-anyos niyang ina.
Sa ginawa namang pagpo-proseso sa bangkay ng biktima nina P/Maj. Sonny Boy Tepace ng NPD-Scene of the Crime Operative (SOCO), wala silang nakitang palatandaan na biktima ng karahasan ang nasawi bagama’t hihintayin pa nila ang resulta ng isasagawang awtopsiya sa bangkay para malaman ang sanhi ng kanyang kamatayan. (Merly Duero)