Home HOME BANNER STORY P57.76-B utang ng mga magsasaka, binura na — DAR

P57.76-B utang ng mga magsasaka, binura na — DAR

1
0

MANILA, Philippines — Umabot na sa P57.76 bilyon ang utang ng mga magsasakang nabura sa ilalim ng New Agrarian Emancipation Act, ayon sa Department of Agrarian Reform (DAR) nitong Miyerkules, Agosto 26.

Sinabi ng DAR na sakop ng Republic Act No. 11953 ang mahigit 610,000 agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa buong bansa na pinalaya sa obligasyong magbayad ng mga kuwalipikadong principal loan, unpaid amortization, interest, penalties at surcharges.

Sa ilalim ng batas, inaalis din ang mortgage liens na pabor sa gobyerno sa mga lupang sakop ng condonation. Ang RA 11953 ay orihinal na nagtakda ng condonation sa P57.557 bilyong principal debt ng 610,054 ARBs na nagsasaka sa mahigit 1.17 milyong ektarya.

“Ang principal, interest at penalties sa kanilang obligasyon na bayaran sa Land Bank of the Philippines ay na-condone na. Ibig sabihin nabura na po ’yan,” ayon kay DAR Bureau of Agrarian Legal Assistance Chief Eugene Follante sa isang government forum.

Ayon pa sa DAR, makatutulong ang debt condonation upang mailaan ng mga benepisyaryo sa produksiyon at pagpapaunlad ng kanilang sakahan ang perang dati nilang ginagamit sa pagbabayad ng amortization.

Para naman sa mga ARB na hindi sakop ng condonation, may moratorium sa pagbabayad upang pansamantalang maituon ang kanilang pondo sa pagpapataas ng produktibidad ng kanilang lupang sakahan.

Kasabay nito, pinabibilis din ng DAR ang pamamahagi ng individual electronic land titles o e-Titles. Mula Enero hanggang Hunyo 2026, nakapag-isyu umano ang ahensya ng 19,967 land titles na sumasaklaw sa 19,006 ektarya at nakinabang ang 10,522 ARBs.

Ang New Agrarian Emancipation Act ay nilagdaan noong Hulyo 7, 2023 at naglalayong alisin ang malaking pinansiyal na pasanin ng mga agrarian reform beneficiary na pinagkalooban ng lupang sakahan ng pamahalaan. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here