KATHMANDU — Hindi bababa sa 95 katao ang nasawi habang daan-daan pa ang nawawala matapos ang mapaminsalang flash flood sa border ng Nepal at Tibet nitong Miyerkules, Agosto 26.
Ayon sa Nepal police, 95 bangkay na ang narekober habang nagpapatuloy ang search and rescue operations sa mga lugar na sinalanta ng rumaragasang tubig, putik at bato.
Kabilang sa matinding naapektuhan ang Rasuwa district sa Nepal, partikular ang Syapru Besi at Timure, kung saan inanod o nasira ang mga bahay, kalsada, tulay at hydropower facilities.
Ayon sa Nepal tourism authorities na sinipi ng Reuters, 341 dayuhang biyahero ang nawawala, kabilang ang mahigit 100 Indian nationals, tatlong Amerikano at 12 British nationals. Mayroon ding mga lokal na residente na hindi pa natatagpuan.
Walo ring South Korean nationals na nagtatrabaho sa isang hydropower project ang iniulat na nawawala, ayon sa South Korean government.
Sa bahagi naman ng Tibet, tinamaan ng mudslide ang Gyirong border area at naputol ang ilang kalsada, komunikasyon at suplay ng kuryente habang nagpapatuloy din ang rescue operations ng Chinese authorities.
Hindi pa pinal ang sanhi ng sakuna. Ayon sa paunang pagsusuri na binanggit ng Nepal National Disaster Risk Reduction and Management Authority, isang pagguho ng snow at bato ang posibleng nagpasiklab ng debris-filled flood sa Lhende River malapit sa Nepal-China border.
Nakapagtala rin ang German Research Centre for Geosciences ng magnitude 4.4 na lindol ilang minuto bago ang pagbaha, ngunit patuloy pang sinusuri kung ano ang eksaktong papel nito sa sakuna.
Nagbabala rin ang mga eksperto sa posibilidad ng panibagong pagbaha dahil sa naiwan umanong blockage sa upstream portion ng ilog.
Nahihirapan ang rescue teams na marating ang ilang apektadong lugar dahil sa mataas na tubig, nasirang mga daan at patuloy na masamang panahon. Dave Medina