ZAMBALES — Wala pang nakikitang bakas ng oil spill mula sa lumubog na MTUG SL SUAL 1 na may kargang tinatayang 15,000 litro ng diesel sa karagatan ng Botolan, Zambales, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Sinabi ni PCG spokesperson Commodore Noemie Cayabyab na batay sa paunang monitoring, nananatiling intact ang fuel tank ng tugboat.
Nagsagawa na rin ang mga tauhan ng PCG ng shoreline patrol sa kahabaan ng Bucao River at mga lugar malapit sa pinaglubugan ng sasakyang pandagat upang bantayan ang posibleng pagtagas ng langis.
Katuwang ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), kumuha rin ng water samples sa paligid ng lugar upang matukoy kung may kontaminasyon o oil spill na dulot ng insidente.
Nakatakda ring magsagawa ng underwater inspection kasama ang third-party diving team upang masuri ang kondisyon ng lumubog na tugboat at matukoy ang mga susunod na hakbang para sa salvage operation.
Pangunahing prayoridad ng mga awtoridad ang ligtas na pag-refloat sa sasakyang pandagat at pag-alis ng diesel mula sa mga tangke nito upang maiwasan ang posibleng pagtagas.
Lumubog ang MTUG SL SUAL 1 nitong Agosto 24 habang hinihila palayo sa lugar kung saan ito naunang sumadsad. Nagsimula itong tumagilid sa kanang bahagi bago tuluyang lumubog sa tubig na tinatayang 24 metro ang lalim.
Tumalon sa dagat ang 10 salvage workers na sakay ng tugboat habang lumulubog ito. Lahat sila ay nasagip at naiulat na nasa maayos na kalagayan.
Patuloy namang iniimbestigahan ng PCG ang eksaktong sanhi ng paglubog. Kabilang sa tinitingnang posibilidad ang pagtama sa nakalubog na metal debris at ang epekto ng malalakas na alon at maalong kondisyon ng dagat. Jocelyn Tabangcura-Domenden