Home HOME BANNER STORY Malakanyang, dumistansiya: ‘di huhusga sa paghahambing ni Padilla sa paggamit ng aliases...

Malakanyang, dumistansiya: ‘di huhusga sa paghahambing ni Padilla sa paggamit ng aliases ng bayani sa aliases sa OVP confidential fund receipts

1
0

MANILA, Philippines – Sinabi ng Malakanyang na hindi nito huhusgahan at hahayaan na lamang nito ang publiko na humusga kaugnay sa ginawang paghahambing ni Senator-Judge Robin Padilla sa paggamit ng aliases ng bayani noong panahon ng himagsikan at sa paggamit ng aliases sa OVP confidential fund receipts.

“Hindi tayo huhusga at hahayaan natin ang mga kababayan at ang mga senador ang siyang humusga rito,” ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.

Subalit, para aniya bigyan ng kaalaman ang mga kabataan at mga kababayan, sinabi ni Castro na ang pagkakaiba sa paggamit ng mga aliases ng bayani noong panahon ng himagsikan at sa paggamit ng aliases sa OVP confidential fund receipts ay “Siguro ang mga bayani noon ay lumalaban para sa bayan nang walang bayad. Pero iyong mga tumutulong na mga informant, informer sa kasalukuyan ay mukhang hindi kikilos nang walang bayad.”

“At ang mga bayani noon, kahit gumamit ng pseudonym ay alam nating totoong tao. Sa ngayon, ang mga resibong naipakita, hindi natin alam kung totoong tao o sila ay multo or mga ghost beneficiaries,” aniya pa rin.

Kaya nga aniya, para sa kaalaman ng mga kabataan, kung ito ang pagkukumparahin, ang mga bayani noon ay lumalaban para sa bayan, itinatago ang pagkakakilanlan para sa bayan pero iba aniya ngayon, dahil ngayon aniya ay itinatago ang pagkakakilanlan para sa bayad.

At nang hingan si Castro ng mensahe para kay Padilla kaugnay ng kaniyang paghahambing sa mga bayani at kasalukuyang isyu sa confidential funds ay sinabi ni Castro na karapatan ng senador na ihayag ang kanyang saloobin at wala aniyang balak ang administrasyon na panghimasukan ito.

“Karapatan po niya, kung ano po ang nasaloobin ni Senator Robin Padilla, hindi po ito panghihimasukan ng administrasyon, hindi po ito panghihimasukan ng Palasyo. Karapatan po niya kung ano ang nais niyang ipahiwatig pero kinakailangan din po nating maipakita kung ano ba ang katotohanan para hindi rin po maligaw ang ating mga kabataan kung ano ba ang talagang naging papel ng ating mga bayani noon – gumagamit ng pseudonym pero hindi para itago ang bayad,” winika ni Castro.

Nauna rito, sa ulat, iginiit ni Padilla ang kahalagahan ng paggamit ng alyas sa mga panahong may banta sa seguridad matapos niyang tanungin ang House prosecution counsel na si Atty. Mae Divinagracia tungkol sa mga bayaning Pilipino na gumamit din ng mga alyas.

Sa ika-19 na araw ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, araw ng Miyerkules, Agosto 26, isa-isang binanggit ni Padilla ang ilang alyas na iniuugnay sa mga personalidad noong panahon ng Katipunan.

“Ito po ang pinakamagandang panahon para maipaalala po sa inyo na ang ating mga bayani ay gumamit ng mga alyas: Dimasalang, Siling Labuyo, Tikbalang, Taga-ilog, Maypag-asa, Buwan, Magdalo, Liyon Kilat, Vibora, Lakambini, Paralitiko, Dimas, Alipato, Liwanag, Balite, at marami pa pong iba,” ani Padilla.

Tinanong niya si Divinagracia kung ano ang kahalagahan ng paggamit ng alyas.

Ipinaliwanag naman ng prosecution counsel na hindi siya maaaring magkomento rito dahil hindi siya tiyak sa mga dahilan ng paggamit ng alyas ng mga nabanggit na personalidad.

Pero aniya, sa ilalim ng Anti-Alias Law, pinahihintulutan ang paggamit ng alyas basta’t nakasaad o naibubunyag ang tunay na pangalan.

“So it’s not completely prohibited provided they also provide the real name,” ani Divinagracia. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here