MANILA, Philippines – Tinamaan ng African swine fever (ASF) ang dalawang bayan sa Catanduanes.
Dahil dito ay agad na ipinag-utos ang agarang isolation at depopulation ng mga infected na baboy upang hindi na kumalat ang virus.
Kinumpirma ng Department of Agriculture Regional Animal Disease Diagnostic Laboratory (RADDL) ang presensya ng ASF sa mga sample mula sa Barangay Hicming sa Virac at Barangay Del Sur, Napo at Libod sa Pandan ayon sa laboratory results na inilabas noong Agosto 27.
Ipinag-utos na ni Gov. Patrick Alain T. Azanza ang agarang isolation ng mga apektadong lugar at depopulation ng infected na mga baboy kasabay ng utos na isagawa ang tamang disposal ng mga infected.
Umapela naman si Azanza sa hog raisers at mga residente na sundin ang protocol ng pamahlaan upang maiwasan na kumalat pa ang sakit sa ibang bahagi ng probinsya.
Inatasan na rin niya ang pulisya na arestuhin ang sinumang lalabag sa restriksyon na ipinatutupad.
Patuloy na nagsasagawa ng surveillance at monitoring ang DA Bicol at lokal na pamahlaan sa mga apektadong lugar kabilang ang paggamit ng rapid test kits sa municipal slaughterhouses upang mas mabilis na matukoy ang virus. RNT/JGC