MANILA, Philippines – Pinagtibay ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang P11.49 milyon na pananagutan ng Golden Years Construction and Steelworks Corporation at ni Ernest Jackson Lim dahil sa hindi nabayarang benepisyo ng mga manggagawa at paglabag sa occupational safety and health o OSH bago gumuho ang siyam na palapag na gusali sa Angeles City, Pampanga.
Kabilang sa halaga ang P1.17 milyon para sa hindi nabayarang sahod habang ipinapatupad ang Work Stoppage Order o WSO, underpaid wages, hindi nabayarang rest day premium, at holiday pay, at P10.32 milyon para sa administrative fines dahil sa mga paglabag sa OSH.
Sa nilagdaang resolution ni Labor Secretary Francis N. Tolentino noong Agosto 17, 2026 ay nagbago sa Order ng DOLE noong Hunyo 16, 2026 matapos pagbigyan ang Motion for Reconsideration nina John John Dogos Placidas, Michael Dogos Placidas, at Alfredo Aibis Balute.
Lumabas na may katibayan ang mga reklamo ng mga manggagawa kabilang ang karapatan nila sa rest day premium at hindi nabayarang sahod sa panahon ng implementasyon ng WSO mula Oktubre 16 hanggang 24, 2025, kaya nadagdagan ang monetary award para sa mga apektadong manggagawa.
Pinagtibay din ng DOLE ang P10.32 milyon na administrative fines na ipinataw sa mga respondent dahil sa patuloy na paglabag sa OSH bago gumuho ang gusali.
Napatunayang walang basehan ang sinabi ng mga respondent na hindi sila binigyan ng due process, dahil nasa rekord na sila ay naabisuhan at nabigyan ng makatuwirang pagkakataon para ipaliwanag ang kanilang panig at magpakita ng ebidensya.
Sa pagsusuri sa mga rekord, napatunayan ang ilang malalalang paglabag sa OSH, kabilang ang:
Hindi pagbibigay ng personal protective equipment; hindi pagkuha ng kinakailangang permit para sa mechanical lifting equipment; hindi pag-deploy ng kinakailangang safety officers at first aiders ;hindi pagbibigay ng pansamantalang matutuluyan para sa mga manggagawa
Lalo pang lumala ang mga paglabag dahil sa pagsumite ng peke at hindi balidong sertipiko para sa designated first aider at safety officer ng proyekto.
Napag-alaman ng DOLE na ang mga ito ay nagpapakita ng pattern ng paulit-ulit at sadyang hindi pagsunod sa OSH standards, na naglantad sa mga manggagawa sa malalang pinsala o kamatayan kahit may nauna nang enforcement action at napagbigyan na sila ng abiso tungkol sa mga pagkukulang.
Binigyang-diin ng kalihim na ang pagsunod sa OSH standards ay tuluy-tuloy na legal na obligasyon at dapat tiyakin ng mga employer ang ligtas na kondisyon sa pagtatrabaho sa buong operasyon nila.
Dahil dito, napag-alaman na ganap na makatwiran ang mga administrative fines.
Inutusan ang mga respondent na bayaran ang monetary award at administrative fines sa loob ng 10 araw mula sa pagtanggap ng Resolution. Jocelyn Tabangcura-Domenden