BEIJING, China — Iniulat ng China nitong Linggo na 261 dayuhan mula sa 23 bansa ang nawawala sa bahagi ng Tibet malapit sa border crossing ng Nepal matapos ang malawakang pagguho ng putik sa Himalayan region.
Ayon sa mga opisyal ng Tibet Autonomous Region, pinakamarami sa mga nawawala ay mula Nepal na may 104, habang kabilang din ang 49 Indian, 33 Latvian, 18 American at 15 British citizens. Sinabi nilang ipinaalam na ng Beijing sa mga foreign missions ang insidente.
Umabot na sa 16 katao ang namatay sa Gyirong County, habang 546 ang nawawala, ayon sa mga awtoridad ng China.
Naganap ang sakuna noong Miyerkules matapos bumagsak ang isang glacier at nagpakawala ng rumaragasang yelo, bato, putik at debris sa mga ilog ng Himalayas.
Sa Nepal naman, iniulat ng disaster authority na hindi bababa sa 675 katao ang nasawi, 2,498 ang nawawala at 7,514 ang nailigtas. Patuloy ding tumataas ang tubig sa kalapit na Trishuli River, dahilan upang lumikas sa mas mataas na lugar ang ilang residente at rescue workers.
Ayon sa Chinese state broadcaster CCTV, ang sakuna ay “caused by glacier instability under the long-term effects of global warming” at itinuturing na bagong malaking panganib na dulot ng pagbabago sa cryosphere ng Tibetan Plateau.
Batay sa pag-aaral ng Chinese scientists, umabot lamang ng anim hanggang pitong minuto bago makarating sa Gyirong border crossing ang mudslide mula sa panig ng Nepal.
Makikita sa surveillance footage ang malalakas na agos ng tubig at debris na tumama sa mga gusali habang nagsisikap tumakas ang mga tao.
Sinabi ni Chinese Foreign Minister Wang Yi sa kanyang Nepalese counterpart na ito ang kanilang “most severe cross-border disaster” sa mga nakaraang taon at napakahirap at komplikado ng rescue operations.
Nagpakilos ang China ng mahigit 2,100 emergency rescue workers at naglaan ng hindi bababa sa 220 milyong yuan ($32.7 milyon) para sa relief efforts. Nagbigay rin ito ng emergency cash aid, relief supplies, satellite at hydrological data, at tunnel rescue experts sa Nepal.
Patuloy na nagtutulungan ang China at Nepal sa paghahanap at pagkilala sa mga nawawalang mamamayan at dayuhan, gayundin sa disaster prevention, climate-change response at iba pang hakbang para mabawasan ang epekto ng mga sakuna.
Ayon sa Red Cross, mahigit 90,000 katao ang posibleng naapektuhan ng kalamidad. RNT/MDS