BULACAN, Philippines – Patay ang dalawang indibiduwal habang tatlo ang sugatan nang gumuho umano ang mezzanine ng isang establisimento sa bayan ng Bocaue noong Sabado ng hapon, Agosto 29.
Sa ulat kay LTCOL Gilbert Diaz, hepe ng Bocaue police station, kinilala ang mga nasawing si alyas Jenne at Cristel habang sugatan sina alyas Dacel, Raymond at Jomer.
Ayon sa ulat, naganap ang insidente bandang 3:20 ng hapon sa Boomtown Industrial Park sa Brgy. Tambubong.
Nabatid na nakatanggap ng tawag ang istasyon sa pamamagitan ng 911 hot line patungkol sa nangyaring insidente.
Agad na tumungo ang mga tauhan ng istasyon sa lugar para magbigay ng tulong sa mga biktimang na-trapped sa lugar.
Dahil dito, nagtulong-tulong ang mga pulis, BFP at Bocaue rescue team na nagsagawa ng search and rescue operation sa lugar.
Nang matunton ang mga biktima ng mga responders ay binigyan agad ng medical assistance at agarang dinala sa pinakamalapit na ospital para sa kaukulang gamutan.
Sinasabing sinubukan pang tulungan ng ilang empleyado ang mga naipit ng bahagi ng mezzanine subalit binawian din ng buhay kalaunan ang dalawang nabanggit habang patuloy na ginagamot ang tatlo pang sugatan sa ospital. (Dick Mirasol III)