RIZAL, Philippines — Isang Grade 8 student ng San Mateo National High School ang umano’y tinamaan sa ilong ng arnis stick ng kanyang guro, dahilan upang magsampa ng barangay blotter ang pamilya at humiling ng imbestigasyon.
Ayon sa ama ng estudyante, napansin niyang namamaga ang nose bridge ng kanyang anak matapos ang insidente noong Miyerkules.
Pauwi na umano ang estudyante makalipas ang alas-6 ng gabi dahil nakatakda siyang tumugtog sa isang prayer meeting. Ayon sa ama, nagalit ang guro nang igiit ng kanyang anak na umalis at umano’y pinalo ito gamit ang arnis stick.
Kalaunan, nalaman ng ama na hindi umano ito ang unang pagkakataon na sinaktan ng guro ang kanyang anak. Ayon sa estudyante, ilang beses na umano siyang pinalo, kabilang sa ulo, ngunit hindi na niya mabilang kung ilang insidente ang nangyari sa buong school year.
Sinabi ng estudyante na una niyang hindi sinabi sa kanyang mga magulang dahil ayaw niyang madagdagan ang kanilang problema.
Nais din umano niyang mapanatili ang magandang relasyon sa kanyang guro.
Iniulat ng pamilya ang insidente sa barangay noong Miyerkules ng gabi. Kinabukasan, nakipagpulong sila sa guro at school principal.
Ayon sa ama, sinabi ng principal na ililipat ang estudyante sa ibang section at hindi na papayagang gumamit ng stick ang guro.
Sinabi rin ng guro na seryoso niyang ginagampanan ang kanyang responsibilidad at naniniwala siya sa accountability at fairness.
Patuloy namang iniimbestigahan ng paaralan ang insidente upang malaman kung nasunod ang mga school policy, kabilang ang Child Protection Policy ng Department of Education (DepEd).
Bagama’t sinabi ng paaralan na nagkaroon na ng pagkakaunawaan ang pamilya at guro, iginiit ng ama na itutuloy niya ang reklamo.
Iniulat na rin ang insidente sa DepEd. Ayon sa isang DepEd official, nakapagsumite na ng report ang paaralan at hinihintay na lamang ang utos ng regional director para pormal na simulan ang imbestigasyon.
Nilinaw naman ng DepEd Rizal na bagama’t may awtoridad at responsibilidad ang mga guro na disiplinahin ang mga mag-aaral, may limitasyon ang kapangyarihang ito.
Sa ilalim ng DepEd Order No. 40, series of 2012, o Child Protection Policy, kailangang protektahan ng mga paaralan ang mga mag-aaral laban sa pisikal, sikolohikal, sekswal at iba pang uri ng karahasan.
Ayon sa DepEd, dapat positibo, hindi marahas at corrective ang paraan ng pagdidisiplina, habang isinasaalang-alang ang kilos at kalagayan ng mag-aaral.
Hinimok din ng DepEd ang mga magulang na ireport sa division o regional offices ang mga katulad na insidente. Maaari ring ipadala ang reklamo sa [email protected] para sa mga hindi makapunta nang personal sa tanggapan. RNT/MDS