Home METRO Iba’t-ibang sakit, naitala sa Maynila matapos ng sunod-sunod na pag-ulan

Iba’t-ibang sakit, naitala sa Maynila matapos ng sunod-sunod na pag-ulan

1
0

MANILA, Philippines — Hindi lamang baha ang iniwan ng sunod-sunod na malalakas na ulan sa Maynila matapos maitala ng lungsod ang panibagong mga kaso ng iba’t ibang sakit kasunod ng pag-atras ng tubig-baha.

Sa pinakahuling disease monitoring report ng lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila nitong Lunes, Agosto 31, umabot sa 33 bagong kaso ng influenza-like illness (ILI) ang naitala, dahilan upang pumalo sa 1,203 ang kabuuang kaso nito mula Enero.

Kasabay nito, nakapagtala rin ang lungsod ng apat na bagong kaso ng leptospirosis, kaya umakyat na sa 556 ang kabuuang kaso ngayong taon.

Sa direktiba ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, patuloy namang namimigay ang pamahalaang lungsod ng libreng doxycycline sa mga health facility para sa mga residenteng maaaring nalubog o nakalublob sa baha, bilang hakbang upang maiwasan ang leptospirosis.

Samantala, 24 bagong kaso ng dengue ang naitala noong Agosto 31, dahilan upang umakyat sa 2,541 ang kabuuang dengue cases sa Maynila ngayong taon.

Bagama’t patuloy ang pagbabantay sa mga sakit, walang bagong kaso ng cholera, typhoid fever at kumpirmadong COVID-19 na naitala nitong Agosto 31.

Sa pinagsama-samang tala ngayong taon, mayroon nang 3 kaso ng cholera, 68 typhoid fever, 87 kumpirmadong COVID-19 at 312 kaso ng severe acute respiratory infection (SARI) ang lungsod.

Samantala, tuluyan nang na-clear ang lahat ng evacuation centers sa Maynila noong Linggo ng hapon, Agosto 30, matapos humupa ang baha sa mga apektadong lugar at bahagyang gumanda ang panahon.

Gayunman, kasunod ng pagbaha, patuloy na minomonitor ng lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila ang galaw ng mga sakit upang agad na matukoy ang posibleng pagtaas ng mga kaso.

Muling pinaalalahanan ang mga residente na manatiling alerto at mag-ingat laban sa mga sakit na maaaring kumalat o lumala ngayong tag-ulan, lalo na sa mga lugar na nakaranas ng pagbaha. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here