Home METRO Pinsala sa agrikultura sa OrMin dahil sa Habagat, umabot sa P112M

Pinsala sa agrikultura sa OrMin dahil sa Habagat, umabot sa P112M

1
0

ORIENTAL MINDORO, Philippines – Umabot sa tinatayang ₱112 milyon ang pinsala sa agrikultura habang 52,642 katao ang naapektuhan ng tuloy-tuloy na pag-ulan dulot ng habagat sa Oriental Mindoro, ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) noong Agosto 31.

Ayon sa PDRRMO, nagdulot ang katamtaman hanggang malakas na pag-ulan ng pag-apaw ng mga ilog at sapa, pati na rin ng mga drainage system. Dahil dito, binaha ang mga mabababang lugar, barangay, kalsada at sakahan sa ilang bayan ng lalawigan.

Pagsapit ng Agosto 31, humupa na ang baha sa 67 barangay, ngunit isang tao ang nasawi sa bayan ng Baco. Naitala rin ang 12 landslide at tatlong kaso ng pagguho ng tabing-ilog sa lalawigan.

Umabot naman sa 18 bahay ang tuluyang nasira, habang 76 iba pa ang bahagyang napinsala. Mayroon ding tatlong vehicular accident na iniuugnay sa masamang panahon.

Dahil sa malakas na pag-ulan, sinuspinde ang klase sa lahat ng antas sa buong lalawigan, gayundin ang trabaho sa Provincial Capitol.

Ayon kay PDRRMO Head Vinscent Gahol, nananatiling naka-full alert ang mga lokal na tanggapan para sa disaster response.

“All local DRRMOs are still closely monitoring major river systems and providing assistance to evacuees still in evacuation centers,” ani Gahol.

Dagdag niya, hindi pa matukoy ang kabuuang pinsala sa imprastraktura dahil patuloy pang kinokolekta at pinagsasama-sama ng mga engineering office ng mga apektadong lokal na pamahalaan ang kanilang mga ulat. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here