MANILA, Philippines – Matinding kinalampag ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Agriculture (DA) na kaagad kumilos upang kumpunihin ang nasirang farm-to-market road at sistema ng irigasyon na winasak ng nagdaang Habagat at bagyo.
Sa pahayag, sinabi ni Pangilinan, chairman ng Senate committee on agriculture, food security and agrarian reform, na madidiskarel ang food security agenda ng bansa kapag hindi kaagad nakumpunin at naibalik sa dati ang lahat ng FMR at sistema ng irigasyon na sinalanta sang habagat at nakaraang bagyo.
Ibinabala ni Pangilinan na kapat tumagal ang pagkukumpunin ng nasirang imprastraktura sa agrikultura, mas lalong mahihirapan ang ating magsasaka at mangingisda na magbibigay pangamba sa suplay ng pagkain.
Aniya, dapat kumilos kaagad ang gobyerno, partikular ang DPWH at DA na mabilis na kumilos upang maibalik sa dati ang mahahalagang FMR, irigasyon at pasilidad ng mekanisasyon at dryer upang makabalik na sa bukid ang ating magsasaka, maibiyahe ang kanilang proudkto at makapaghanda sa susunod na taniman at anihan.
“Magsasaka at mangingisda ang isa sa mga pinakaapektadong sektor ng lipunan kapag may mga weather disturbances tulad ng habagat at bagyo. Sira ang kalsada, sira ang taniman kaya ang ibig sabihin hindi lang walang ani kundi wala rin dadaanan ang ani kahit pa may konti silang maisalba,” aniya.
Sinabi ni Pangilinan na hindi makakabangon ang naantalang produksiyon ng pagkain kung hindi makakapunta ang ating magsasaka sa bukid o ibiyahe ang kanilang ani patungo sa pamilihan.
“Ang epekto ng pagbaha at pagkakasira ng ani ay hindi lang usapin ng infrastructure at ani. Usapin ito ng pagkain. Tayo dito sa siyudad ang tatamaan din kapag hindi maibaba ang ani mula sa mga sakahan o ang mga huli mula sa dagat,” aniya.
“Hindi pwedeng paulit-ulit ang problemang hinaharap natin tuwing may bagyo o habagat. We need to be proactive and not reactive. We need to build roads and irrigation systems that will withstand these severe weather events. Wag na tayong maghintay ng susunod na sakuna para lang magpagawa ulit. Kailangan sigurado tayo na yung gagawin natin ngayon eh kakayanin na ang mga susunod na pag-ulan,” giit ni Pangilinan. Ernie Reyes