CAVITE, Philippines — Ipinakulong ng isang ama ang sarili niyang anak matapos umano siyang bugbugin, hampasin at paulit-ulit na saktan sa Dasmariñas City, Cavite.
Kinilala ang suspek sa alyas na Marlon, 22, walang trabaho at residente ng Barangay Salitran 2. Ang kanyang ama na si alyas Nestor, 65, ang nagreklamo laban sa kanya dahil sa umano’y pagmamaltrato.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, bandang 7:45 ng umaga, nakaupo ang biktima sa kanilang bahay nang bigla umano siyang pagmumurahin ng kanyang anak.
Sinabihan ng ama ang anak na huwag siyang murahin, ngunit sa halip na tumigil ay kumuha umano ito ng payong at hinampas siya ng matulis na bagay sa ulo, na nagdulot ng mga bukol at sugat sa kanyang katawan.
Humingi ng tulong ang biktima na humantong sa pagkakaaresto sa suspek. Ayon naman sa mga kapitbahay, palagi umanong minamaltrato at sinasaktan ng suspek ang kanyang ama.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Dasmariñas City Police Station at nahaharap sa kasong Physical Injuries. MARGIE BAUTISTA