MALABON CITY, Philippines – Binaril at malubhang nasugatan ang isang lalaki ng magkapatid na kapitbahay nito, napaulat kahapon ng madaling araw sa Malabon City.
Patuloy na ginagamot sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong dalawang tama ng bala sa dibdib ang biktimang si alyas “Paul”, 33, residente ng Katarungan St. Brgy. Muzon ng lungsod.
Kapwa nakatakas naman ang magkapatod na suspek sina alyas “Melvin” at alyas “Harold”, kapwa nasa hustong gulang.
Sa inisyal na ulat na tinanggap ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, bibili sana ng sigarilyo sa kalapit na tindahan sa Katarungan St. ang biktima dakong alas-4:20 ng madaling araw nang tambangan at pagbabarilin ni alyas Melvin na noon ay nag-aabang na pala sa kanya sa naturang lugar.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng isang Honda Click na motorsiklo patungong Ilang-Ilang St., Brgy. Concepcion habang isinugod naman ang biktima sa Malabon Hospital and Medical Center bago inilipat sa TMC.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, matagal ng may alitan ang biktima at magkapatid kaugnay sa isinampang kasong Grave Threat ng dalawa laban sa kapitbahay sa Malabon Regional Trial Court (RTC). (Merly Duero)