Home METRO 2 NPA sa Misamis Oriental boluntaryong sumuko

2 NPA sa Misamis Oriental boluntaryong sumuko

1
0

MISAMIS ORIENTAL, Philippines  — Dalawang armadong miyembro ng New People’s Army (NPA) ang boluntaryong sumuko sa mga awtoridad sa Barangay Kibungsod, Magsaysay, Misamis Oriental noong Agosto 28. Opisyal silang ipinakilala sa media noong Agosto 31.

Kinilala ng Police Regional Office 10 (PRO 10) ang mga sumuko bilang sina “Ka Dom,” 33, at “Ka Rhia,” 24, na kapwa kabilang sa humihinang Platoon Lennon ng Guerrilla Front 4B, Sub-Regional Committee 1 ng North Central Mindanao Regional Committee.

Isinuko rin nila ang dalawang shotgun at mga live ammunition na 12-gauge bilang bahagi ng kanilang pangakong suportahan ang peace and development program ng pamahalaan.

Nasa kustodiya na sila ng 1001st Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 10 sa Lagonglong, Misamis Oriental para sa custodial debriefing at profiling. Ang mga isinukong armas at bala ay sasailalim naman sa forensic examination.

Ayon kay Police Brig. Gen. Nestor C. Babagay Jr., direktor ng PRO 10, mahalagang hakbang tungo sa pangmatagalang kapayapaan at seguridad ang pagsuko ng dalawang dating rebelde.

“Their decision to lay down their arms and return to the folds of the law is a positive step toward peace and a better future,” ani Babagay.

“We encourage those who remain in the armed movement to choose peace, surrender voluntarily, and take advantage of the government’s reintegration programs,” dagdag niya.

Samantala, sinabi ni Police Major Joann G. Navarro na bahagi ang pagsuko ng dalawang rebelde sa programa ng PNP na palakasin ang internal security at hikayatin ang mga miyembro ng armadong grupo na talikuran ang armadong pakikibaka at bumalik sa batas.

Kamakailan, walong bayan at isang lungsod sa Northern Mindanao ang idineklarang nasa Stable Internal Peace and Security (SIPS) matapos ang ilang dekadang pagsisikap na wakasan ang insurgency. Kabilang dito ang Lugait, Manticao, Naawan, Initao, Libertad, Gitagum, Alubijid, Opol, at El Salvador City.

Ayon kay Navarro, mahalagang milestone ang deklarasyon at nagpapakita ito ng pagtutulungan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), civil society, at mga komunidad para mapanatili ang kapayapaan at magkaroon ng mas magandang kondisyon para sa pag-unlad. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here