MANILA, Philippines — Inaasahang lalakas bilang tropical storm ang Tropical Depression Pilandok sa Martes, Setyembre 1, at mananatiling tropical storm habang kumikilos patungong southern Japan, ayon sa PAGASA.
Sa 5 p.m. bulletin nitong Lunes, sinabi ng PAGASA na nasa 1,145 kilometro silangan ng extreme Northern Luzon si Pilandok at kumikilos pakanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 10 kilometro kada oras. Taglay nito ang lakas ng hanging 55 kph malapit sa sentro at pagbugsong hanggang 70 kph.
Wala namang Tropical Cyclone Wind Signal na nakataas sa anumang bahagi ng bansa.
Ayon sa PAGASA, maaaring halos manatiling nakapirmi si Pilandok sa Philippine Sea, silangan ng extreme Northern Luzon, sa susunod na 36 oras bago kumilos patungong hilaga-hilagang-kanluran.
Inaasahang lalabas ito sa Philippine Area of Responsibility (PAR) pagsapit ng Miyerkules ng hapon o gabi.
“This tropical cyclone is less likely to make landfall over the country and will remain far from the Philippine landmass,” ayon sa PAGASA, ngunit maaari pa ring magbago ang forecast track.
Samantala, tatlo pang weather system sa labas ng PAR ang binabantayan ng PAGASA. Kabilang dito ang Tropical Depression Saudel, dating Obet, na nasa 1,175 kilometro kanluran ng extreme Northern Luzon, at isa pang tropical depression na nasa 570 kilometro kanluran-hilagang-kanluran ng Itbayat, Batanes.
Isang low-pressure area (LPA) na nasa 3,080 kilometro silangan ng southeastern Luzon ang mayroon ding medium chance na maging tropical depression sa loob ng susunod na 24 oras. RNT/MDS