QUEZON CITY, Philippines — Patay ang isang 57-anyos na freelance bookkeeper matapos umanong pukpukin ng bote at takpan ng unan ang mukha sa loob ng isang hotel room sa Quezon City.
Ayon kay Maj. Errol Frejas, acting chief ng QCPD-CIDU, asphyxia by strangulation ang ikinamatay ng biktima batay sa pagsusuri ng SOCO.
“Pero nakikita namin, parang pinukpok muna siya ng bote bago tinabunan ng unan sa mukha… ‘Yun din po ‘yung rebelasyon ng mga CICL po natin na nakuha,” pahayag ni Frejas.
Huling nakitang buhay ang biktima noong Agosto 23, kasama ang tatlong menor de edad na nakuhanan ng CCTV na pumasok at lumabas ng hotel.
Natagpuan ang bangkay sa banyo noong Agosto 26 matapos puntahan ng hotel employee ang kuwarto para maglinis. Walang sumagot sa mga katok kaya humingi ito ng tulong upang mabuksan ang silid, kung saan nakita ang magulong mga gamit at dugo.
Noong gabi ng Agosto 29, naaresto sa Laguna ang dalawang CICL na edad 16 at 17, habang nahuli naman sa Batangas ang isa pang 16-anyos na suspek.
Ayon kay Frejas, nakatulong sa imbestigasyon ang cellphone ng mga suspek at pakikipagtulungan ng TNVS driver na kanilang hinire.
“Meron din tayong nakuhang consent sa pamilya na buksan ‘yung cellphone… Doon po natin nakita, kasi naka-synchronize po ito doon sa ibang cellphone. Nakita ‘yung mga pictures na tinitake ng mga CICL natin. At doon po natin natukoy ‘yung TNVS na hinire nila. So noong na-locate po natin ‘yung TNVS, nakipagtulungan po sa atin ‘yung driver,” ani Frejas.
Pagnanakaw ang nakikitang motibo ng pulisya. Tinangay umano ng mga suspek ang cellphone, credit at debit cards at passbook ng biktima. May nakita ring withdrawals na umabot sa P150,000 at mga pagbili gamit ang credit card na halos P40,000.
“Kinuha ‘yung [mga] cellphone at ‘yung mga credit card at debit card, passbook. At nakita din natin na may mga withdrawals itong mga menor de edad na nag-a-amount sa 150 [thousand]… Plus na gamit din nila sa pagbili ng mga gamit ‘yung credit card na umaabot din halos ng P40,000,” dagdag ng opisyal.
Lumabas sa imbestigasyon na nagkakilala ang biktima at mga suspek sa isang social media app at nagkasundong mag-inuman. Naka-book ang biktima sa hotel mula Agosto 18 matapos lumuwas sa Maynila mula Mindanao para sa trabaho.
Na-turnover na ang tatlong CICL sa Social Services Development Department (SSDD) ng Quezon City government at nahaharap sa reklamong robbery with homicide.
“Doon tinake nila ‘yung exam at interview at doon natin nakita na nabigyan sila ng above average grade doon sa discernment, so makikita nila kung ano ‘yung tama at mali,” paliwanag ni Frejas.
Naipagbigay-alam na rin ng pulisya sa mga anak ng biktima ang insidente at hinihintay na lamang ang mga kaanak para maiuwi ang kanyang labi sa kanilang probinsya. RNT/MDS