Home METRO NLEX humingi ng paumanhin sa matinding trapik kasunod ng mga pagbaha

NLEX humingi ng paumanhin sa matinding trapik kasunod ng mga pagbaha

2
0

MANILA, Philippines — Humingi ng paumanhin ang Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) sa mga motoristang naipit nang ilang oras sa North Luzon Expressway (NLEX) dahil sa matinding pagbaha sa San Simon, Pampanga, kasabay ng paglalatag nito ng mga pansamantalang flood-control measure sa lugar.

Sinabi ng MPTC na maglalagay ito ng concrete barriers sa humigit-kumulang 300 metro ng northbound at 300 metro ng southbound lanes sa Tulaoc area upang magsilbing pansamantalang harang sa pagpasok ng tubig-baha sa expressway.

Magpapakalat din ng siphoning trucks at paiigtingin ang pumping operations kapag nakontrol o nabawasan na ang patuloy na pag-agos ng tubig patungo sa NLEX.

“We fully understand the frustration of motorists and commuters who spent hours on NLEX,” pahayag ng MPTC.

Humingi rin ito ng paumanhin lalo na sa mga biyaherong may kasamang mga bata, matatanda at mga nangangailangan ng agarang atensyong medikal.

Ipinaliwanag ng kumpanya na binaha rin ang mga nakapaligid na lugar sa San Simon kaya hindi sapat ang pumping operations habang patuloy na pumapasok ang tubig sa expressway.

Maging ang MacArthur Highway, na pangunahing alternatibong ruta, ay nakaranas din ng matinding pagbaha, dahilan upang maging limitado ang maaaring daanan ng mga motorista.

Magpapatupad din ng counterflow upang mapadali ang pagdaan ng emergency at response vehicles patungo sa Tulaoc.

Para naman sa pangmatagalang solusyon, plano ng NLEX na muling itaas ang pavement sa northbound at southbound portions ng Tulaoc. Maaari itong gawin kapag naitaas na rin ang Tulaoc Bridge upang magkaroon ng kinakailangang vertical clearance, alinsunod sa engineering assessment.

Nauna nang itinaas nang humigit-kumulang 0.7 metro ang bahagi ng kalsada sa Tulaoc. Noong 2023, napagkasunduan din ng pamahalaan at NLEX ang road at bridge-raising measures sa lugar matapos magdulot ng matinding pagbaha ng ilang oras na trapiko sa San Simon.

Patuloy namang naka-deploy nang 24 oras ang operations, patrol at emergency personnel ng NLEX upang tumulong sa mga apektadong motorista habang nananatili ang pagbaha. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here