Home METRO Alternatibong tulay sa gumuhong Aganda Bridge sa Tarlac, itinatayo

Alternatibong tulay sa gumuhong Aganda Bridge sa Tarlac, itinatayo

3
0

MANILA, Philippines — Sinimulan na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga hakbang para sa pagtatayo ng temporary Bailey bridge na pansamantalang papalit sa nasirang Agana Bridge sa Tarlac City matapos itong gumuho sa gitna ng matinding pag-ulan at rumaragasang tubig.

Ayon sa DPWH nitong Lunes, Agosto 31, nasa lugar na ang mga heavy equipment at materyales na gagamitin sa pagtatayo ng pansamantalang tulay.

Sinabi ni DPWH Secretary Vince Dizon na prayoridad ng ahensya na maibalik agad ang daanan sa Agana Bridge upang ma-reconnect ang Tarlac City sa mga karatig na lugar.

“Ngayon po, ang pinaka-priority natin ay mapadaanan natin ulit ang Agana Bridge. Nag-mobilize na po tayo ng mga kagamitan at materyales. Dumating na po onsite,” ani Dizon.

Gayunman, sinabi niyang hamon sa construction work ang malakas pa ring agos ng ilog.

“Medyo rumaragasa pa rin ‘yung ilog kaya medyo hindi pa tayo makaka-full blast sa trabaho pero hindi po tayo titigil hangga’t hindi natin ma-reconnect itong Agana Bridge,” dagdag niya.

Ang Bailey bridge ay portable at prefabricated na tulay na maaaring mabilis na buuin at karaniwang ginagamit bilang pansamantalang tawiran kapag nasira ang permanenteng imprastraktura.

Nauna ring nasira ang Aquino Bridge sa Tarlac dahil sa patuloy na pag-ulan at malakas na agos ng Tarlac River, kaya lalong nalimitahan ang mga rutang maaaring daanan patungo at palabas ng lungsod.

Ayon kay Dizon, ipinadala rin ang mga engineer mula Maynila upang tukuyin ang agarang remedyo sa Aquino Bridge at kung maaari itong gawing madaanan kahit ng light vehicles.

Iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa DPWH na pabilisin ang pagkukumpuni sa mga nasirang imprastraktura upang maibalik ang koneksyon at normal na pagbiyahe sa mga apektadong lugar. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here